Netizens, 'nagbayanihan' para sa kasal ng magkasintahang sinubok ng Leukemia

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 06:54 PM

Ikakasal na sana ang magnobyo noong Setyembre 2016 ngunit ilang araw bago ang nakatakda nilang pag-iisang dibdib ay na-diagnose si Renan ng Acute Lymphoblastic Leukemia, isang uri ng sakit sa dugo. Larawan mula sa Mission Possible team

Nagtulong-tulong ang ilang mga netizen para mabuo ang pinapangarap na kasal ng magkasintahan na hanggang ngayon ay sinusubok ng Leukemia. 

Nagsimula ito sa Facebook post ng estudyante na si Whenzcy Villanueva na naghahanap ng magkasintahan na puwede niyang kunan ng retrato para sa kaniyang proyekto sa eskuwelahan.

Kabilang sa mga nagkomento ay ang magkasintahan noong sina Renan Juan at Cherry Lou Tion.

Ikakasal na sana ang magnobyo noong Setyembre 2016 ngunit ilang araw bago ang nakatakda nilang pag-iisang dibdib ay na-diagnose si Renan ng Acute Lymphoblastic Leukemia, isang uri ng sakit sa dugo.

Napagdesisyunan ng magkasintahan na ipagpaliban muna ang kasal at ipagamot si Renan.

"Nag-decide kami na i-postpone muna 'yong wedding tapos 'yong gagastusin po doon, sa pagpapagamot niya na muna," ani Cherry Lou.

"Aanhin namin 'yong wedding na matutuloy kung hindi naman po siya gagaling,” dagdag niya.

Matapos ang isang taon na gamutan ay nawala ang sakit ni Renan kaya nagplano ulit silang magpakasal Disyembre 2017. Larawan mula sa Mission Possible team

Matapos ang isang taon na gamutan ay nawala ang sakit ni Renan kaya nagplano ulit silang magpakasal Disyembre 2017.

Ngunit naudlot itong muli nang malaman nilang bumalik ang sakit ni Renan isang buwan bago ang nakaplano nilang kasal.

Sa pagtutulungan ng mga netizen na naantig sa kuwento ng magkasintahan ay natuloy nitong Abril ang inaasam na pag-iisang dibdib nina Renan at Cherry Lou.

"Tinatawag po namin itong modern bayanihan...dahil lang po sa Facebook [ay] nakatulong po kami sa kapwa namin na matuloy po ang kanilang kasal," ani Villanueva.

Nagsama-sama ang mga volunteer na nagkakilala sa Facebook upang bumuo ng grupo na tutulong upang maibigay ang lahat ng kailangan sa kasal ng magkasintahan.

Kabilang sa hinanda nila ang mga susuoting damit sa kasal, wedding invitations, tokens, wedding photo, at video coverage.

Para kumpleto ang kasal ay pati ang catering at wedding reception ay sinagot na rin ng grupo.

TULOY ANG LABAN

Positibo sina Renan at Cherry Lou na walang problema ang hindi nila kayang malampasan. Larawan mula sa Mission Possible team

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin na lumalaban sa sakit si Renan. 

Pero dahil napatunayan nila na marami ang mga taong handang umalalay sa kanila, positibo sina Renan at Cherry Lou na walang problema ang hindi nila kayang malampasan.

"Hanggang ngayon parang hindi pa rin kami makapaniwala sa sobrang dami ng tulong po na dumating," ani Cherry Lou.

"Siguro po ginamit sila ni God na instrument para matuloy po yung wedding namin,” dagdag niya.

Maliban sa pinapangarap na kasal, may nagbigay rin ng tulong kay Renan para sa kakailanganin niyang dugo para sa kaniyang blood transfusion.

Para sa iba pang detalye ng kuwento ng kasal nina Renan at Cherry Juan, sundan ang Mission Possible sa Facebook at Twitter. 

--Ulat ni Raymond Sakiwat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.