Ilang personal na gamit ng Kapamilya stars, ibinibenta para sa charity

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi nag-atubili ang ilang Kapamilya artist na magbigay ng ilan sa espesyal nilang mga gamit upang makilahok sa fund-raising campaign para sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation.

Pinangunahan ng Metro.Style ang pag-organisa sa proyektong "Signed, Sold, Delivered" na naglalayong makalikom ng pondo para sa ilang charity programs ng Kapamilya network.

Kabilang sa ibinibenta sa nasabing charity campaign ay mga gown ni ABS-CBN Chief Content Officer Charo Santos-Concio.

Maaari ring makuha ang isang pares ng running shoes ni Piolo Pascual at ilang gamit ng anak na si Iñigo.

Bukod sa mismong gamit ay makatatanggap din ang mga bibili ng liham mula sa mga celebrity.

Ayon sa mga nag-organisa ng fund-raising campaign, walang auction o hindi kailangan magpataasan ng presyo upang makuha ang mga nais na Kapamilya star items.

Anila, basta kung sino ang unang makabili ay siya ang makakakuha ng items.

Kasama sa mga agad na nabili ay ang sunglasses ng “Bagani” actress na si Liza Soberano, bag ni Angel Locsin, relo ni Mateo Guidicelli, at personalized shirt mula kay Enchong Dee.

Kabilang din sa nakilahok ang aktres na si Maja Salvador na nagbigay ng shades na espesyal umano sa kaniya.

"I-sacrifice mo na [ang] favorite mo...i-share mo kasi mas maraming sasaya at malaki ang maitutulong nito," ani Salvador.

Ang lahat ng kikitain mula sa charity campaign ay mapupunta sa ilang charity programs ng ABS-CBN tulad ng Bantay Bata, Operation Sagip Kapamilya, at Bantay Kalikasan.

Huwag umanong mag-alala ang mga nais pang makabili ng pre-loved Kapamilya items dahil may bago pang batch ang darating sa Mayo 30.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.