K-pop at K-drama, bakit mabenta sa mga Pinoy?

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 08:30 PM

Ilan sa mga produktong may kinalaman sa K-pop at K-drama na ibinebenta sa South Korea. Kuha ng ABS-CBN News

Hindi maikakaila ang pagtangkilik ng maraming Pinoy sa mga television drama at popular na musika ng South Korea, na ilan sa kultural na produktong iniluluwas ng bansa sa ilalim ng penomenong "Hallyu" o "Korean wave."

Sa katunayan, bunsod ng kasikatang ito, maraming Pinoy at maging ibang lahi ang bumibiyahe papuntang South Korea para mabisita ang mga lugar na pinagkuhanan ng mga kinakikiligang K-drama at mapanood nang live ang mga kinagigiliwang K-pop artist.

Isang halimbawa rito ay ang aktres na si Anne Curtis na noong nakaraang taon ay nagtungo sa mga shooting location ng paborito niyang K-drama na "Goblin," kasama ang kaniyang noo'y nobyong si Erwan Heusaff.

Ayon sa direktor na si Victor Villanueva, na kilala sa kaniyang pelikulang "Patay Na Si Hesus," hindi malayo ang mga tema ng mga K-drama sa mga temang mapapanood sa mga teleseryeng ipinalalabas sa Pilipinas.

"Technically same lang like palaban na girl versus rich guy, poor versus rich, gano'n. Even 'yong mga historical drama nila, it's about 'yong mga who's in power," sabi sa panayam ni Villanueva, na nagsanay sa ilalim ng mga Koreanong direktor at producer.

Watch more in iWant or TFC.tv

K-POP

Ayon naman sa isang Pinoy na mananaliksik sa Korea Research Center, mabenta naman ang K-pop sa ibang lahi dahil sa lawak ng uri ng musikang ginagawa ng mga artist.

"Mayroon silang sariling category. For example, kung gusto nilang hip hop, magko-concentrate talaga 'yong isang group sa hip hop. Tapos may mga pop, rap, jazz soul," paliwanag ng mananaliksik na si Pamela Jacar. 

"Mayroon kasi silang distinct flavor on their own. So ayun 'yong kinaganda sa K-pop kasi, kung ano gusto ko, kung ano kinahiligan ko, mayroon kang mapipili, may choices ka," ani Jacar, na aminadong K-pop fan mula pa noong 2009.

Bukod sa mismong musika, malakas din daw ang hatak ng visual elements ng K-pop.

"Mas nakakahimok 'yon sa mga tao na kahit di nila naintindihan 'yong song, mas kasi, mas nakukuha sila talaga doon sa visual," ani Jacar.

Pero hindi lang basta-basta ang ibang K-pop idol dahil napakikinabangan din sila ng kanilang gobyerno, lalo kapag ginagamit sila sa diplomasya o pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.

Halimbawa rito ang pagdaos ng konsiyerto ng mga K-pop artist mula South Korea sa North Korea bilang pasasalamat sa pag-perform ng North sa Pyeongchang Olympics na pinangunahan ng South.

Hindi rin biro ang ilang taong pagsasanay na pinagdadaanan bago ilunsad at maging opisyal na K-pop artist.

Ibinahagi ng girl group na Girlkind ang kanilang naging pagsasanay bago i-debut noong Enero at pang-araw-araw na routine ng pag-eensayo.

"More than two years kami nag-train bago maging K-pop artist. After no'n, tuwing may performance, more than 100 times namin inuulit ['yong practice] para perfect," sabi ng isang miyembro sa Korean.

"Minsan sa isang araw hanggang 12 hours kami nagpa-practice," dagdag niya.

-- May ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.