ASAP TLC: Lalaki nag-propose sa nobya habang 'hinoholdap'

ABS-CBN News

Posted at May 20 2018 04:15 PM

Ang sandaling inakala nilang mistulang pagtatapos na ng kanilang mga buhay ay simula pa lang pala ng pagsasamang panghabambuhay.

Isang kakaibang gimik ang naisip ni Calvin Leorna para sa hindi malilimutang pag-alok ng kasal sa noo'y nobyang si Annabelle. 

Sa halip kasi na romantikong eksena, holdap ang naging tema ng pangyayari, na itinampok nitong Linggo sa segment na "TLC" ng programang "ASAP."

Watch more in iWant or TFC.tv

Habang kumakain ang dalawa sa Van Gogh Is Bipolar sa Maginhawa, Quezon City noong Nobyembre 2013, biglang pumasok sa restoran ang isang lalaking "holdaper" na tila tumatakas sa mga pulis.

"Pinaghiwalay kami tapos siya (Calvin) parang iho-hostage," kuwento ni Annabelle.

Pero bago umano saktan si Calvin, hiniling muna nito sa holdaper kung maaari bang pakasalan muna niya ang nobya.

"Nakiusap ako na kung puwedeng magawa ko muna 'yong gusto kong gawin," ani Calvin.

"Iyong premise, kung kukunin na ako ni Lord, huling hiling ko na 'di ko pa nagagawa ay yung pakasalan siya," paliwanag niya.

Sa aktuwal na video, maririnig pa si Calvin na nagrereklamong wala umano siyang singsing. 

Nagkaalaman na lang na "set-up" pala ang lahat matapos abutan ng holdaper ng singsing si Calvin.

"Hindi ko talaga in-expect na magpo-propose siya noong gabing iyon, naloko ako noon ah," ani Annabelle.

Matapos namang ikasal, nabuntis si Annabelle pero sa kasamaang palad ay nakunan.

Kuwento niya, noong mga panahong iyon ay kay Calvin siya kumukuha ng lakas ng loob.

"He was just there. [Tuwing] madaling araw, iiyak ako, yayakapin niya ako," ani Annabelle.

Pero kalaunan ay nalampasan din nila ang pagsubok at biniyayaan pa ng dalawang anak.

Handog nina Erik Santos, Daryl Ong, Kyla, at Angeline Quinto ang kantang "Hero" ni Enrique Iglesias para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.