Ano ang genital warts at paano ito maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at May 20 2018 03:37 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Isa sa mga madalas hindi nabibigyang-pansin ng tao ay ang mga kulugo na tumutubo sa ari o "genital warts."

Ito ang usaping tinalakay ni Dra. Lulu Marquez nitong Linggo sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM.

Paalala ng doktora, kung may makati at tila mga tigyawat sa may bandang ari ay maaring ito ay genital warts.

Aniya, huwag itong ipagsawalang-bahala dahil ito ay infectious. Puwede rin itong lumaki at dumami.

Iwasan ding galawin ito upang hindi dumugo.

Ang genital warts ay tumutubo sa may labia majora at labia minora ng babae.

Sa lalaki naman, lumalabas ito sa "ulo" o glands ng ari.

Ang kulugo sa ari ay sanhi ng Human Papillomavirus (HPV), isang uri ng sexually transmitted infection.

Dagdag ng doktora, ang HPV maaaring maging sanhi ng throat, rectal o cervical cancer.

Giit ng doktora, mataas ang tsansa na magkaroon nito ang mga taong sexually active, may multiple sexual partners, at mahilig sa oral sex.

Aniya, may mga paraang medikal naman upang maalis ang genital warts. 

Dagdag ng doktora, may bakuna naman upang maproteksyunan ang sarili kontra HPV strain na nagiging sanhi ng genital warts.

Kailangan lamang magpabakuna ng tatlong beses sa loob ng anim na buwan.

Paalala ni Marquez, kailangan mag-usap ng mag-asawa bago magtalik dahil baka isa sa kanila ay maaaring mayroon genital warts.

Gumamit din ng condom kung ang lalaki ay aktibo sa pakikipagtalik.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.