Sino-sino ang maaaring atakihin sa puso?

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 11:53 AM | Updated as of May 18 2017 09:30 AM

Karaniwan mang lalaki ang inaatake sa puso, hindi naman daw ibig sabihin nito, lusot na ang mga babae sa traydor na sakit.

Ayon sa cardiologist na si Dr. Leni Iboleon-Dy sa programang 'Magandang Gabi Dok’ ng DZMM, nangunguna ring "killer disease" sa kababaihan ang heart attack.

Kadalasang mas inaatake lang daw ang mga lalaki kahit hindi pa ganoon katanda. Sa mga babae raw kasi, tumataas ang tiyansang atakihin sa puso kapag nag-menopause na.

Maaari rin aniyang magkaiba ang sintomas ng heart attack sa kababaihan at kalalakihan.

Karaniwang sintomas ng heart attack sa mga babae ang hirap na paghinga at madalas at labis na pagkapagod. Samantala, paninikip ng dibdib ang madalas na palatandaan nito sa mga lalaki.

Magkaiba man ang sintomas, pareho naman aniya ang risk factors nito o ang mga puwedeng magpataas ng tiyansang atakihin sa puso tulad ng high blood, mataas na antas ng bad cholesterol, paninigarilyo, obesity, at ang hindi pag-eehersisyo.

Payo ni Dr. Iboleon-Dy para makaiwas sa anumang sakit sa puso, mahalaga ang pagkakaroon ng pagbabago sa lifestyle. Mainam na mag-ehersisyo araw-araw at pumili ng tamang pagkain. Importante rin ang pagpapakonsulta agad kapag may kakaibang nararamdaman.

“Kapag hindi usual sa'yo ang nararamdaman mo, you have to seek help and consult. That, I think, is the best preventive [measure],” ani Iboleon-Dy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.