Gaano kadalas dapat magpa-pap smear?

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 05:32 PM

Hindi dapat iwasan o katakutan ng kababaihan ang pagpapa-pap smear, ayon sa isang doktora.

Ang pap smear ay ang proseso ng pagkuha ng sample mula sa cervix ng babae para ito'y masuri kung may abnormalidad.

"Procedure 'yan [pap smear], importante for screening ng baka mayroon kang cervical cancer. Para malaman, kung nagsa-start na abnormal cell na tumutubo sa 'yong cervix," paliwanag ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM.

Ayon kay Marquez, puwede nang magpa-pap smear ang mga babaeng edad 21 pataas, may asawa man o wala.

"'Yong may activity sa sex, mas dapat [magpa-pap smear]," sabi ng doktor.

Nakadepende aniya sa resulta ng unang pap smear kung gaano kadalas uulit sa ganitong klase ng pagpapasuring medikal ang isang babae.

"Kung mayroong abnormality... may abnormal cells... puwedeng every year or even less [than a year magpa-pap smear]," ani Marquez. "Kung normal [ang resulta ng unang pap smear], puwedeng every three years na magpa-pap smear."

Sabi rin ni Marquez, mas dapat madalas ang pap smear kung may human immunodeficiency virus (HIV) ang babae, kung mahina ang immune system o laging nagkakasakit, kung gumagamit ng steroids, at kung na-diagnose na may cervical cancer.

"Ang pap smear ay ginagawa in conjunction with a pelvic exam," paliwanag ni Marquez. "Sa kababaihan older than 30 years old, ang pap test puwede siya o mas maganda i-combine with HPV (human papillomavirus) test."

Kung isinasabay ng babae ang HPV test sa kaniyang pap smear, puwede raw kada limang taon na lang gawin ang naturang pagsusuring medikal.

"At the age of 65, wala siyang diagnosis dati ng HPV, puwede wala na munang [pap smear]," sabi ni Marquez.

Puwede ring huwag na munang magpa-pap smear ang mga babaeng natanggalan ng matris.

PAGHAHANDA

Ipinapayo rin ni Marquez sa mga babaeng magpapa-pap smear na huwag munang makipagtalik bago ang itinakdang pagkuha ng sample sa cervix.

Dapat ding hindi gumamit ng lubricant, cream, o vaginal suppository bago magpa-pap smear. 

Mainam din kung walang menstruation ang babae kapag nagpa-pap smear.

Paalala rin ng doktor, hindi kailangang sobra-sobra ang paglilinis sa ari ng babae bago ang pap smear dahil baka magdulot lang iyon ng impeksiyon.

"Huwag 'yong sobrang douche, 'yong sobrang linis. Remember the vagina is self-cleaning," ano Marquez.

Inirerekomenda rin ni Marquez sa mga babaeng magpapa-pap smear na magkaroon ng bukas na komunikasyon sa kanilang OB-GYN para na rin sa matiwasay na pagsasagawa nitong pagsusuring medikal.

"Hindi dapat masakit [ang pap smear], mabilis lang 'yon," anang doktor. "Legs wide open, and then relax, hinga nang malalim, then ipapasok po 'yong vaginal speculum."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.