ALAMIN: Ano ang ectopic pregnancy?

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 03:39 AM | Updated as of May 11 2017 04:27 AM

Isa ang ectopic pregnancy sa mga abnormalidad na nararanasan ng mga nagbubuntis.

Ayon kay Dr. Diosdado Mariano, isang obstetrician-gynecologist, ang ectopic pregnancy ay ang pagbubuntis kung saan nabubuo ang fetus sa labas ng matres.

"Any pregnancy outside the uterus. Pagbubuntis ito na nasa labas ng matres. Pupuwedeng nasa tubo, fallopian tube. Pupuwedeng nasa obaryo, pupwedeng nasa cervix, pupuwedeng nasa loob ng tiyan. So lahat ng klaseng pagbubuntis na nasa labas ng matres," aniya.

Minsan ay nananatili sa fallopian tube ang fertilized egg at hindi bumababa sa matres kung saan ito dapat lumaki.

Dahil mas maliit ang fallopian tube kaysa sa matres, maari itong pumutok habang lumalaki ang fetus.

"Kaya siya nananatili sa fallopian tube, kasi normally, sa fertilization, 'yung babae naglalabas ng itlog. 'Pag naglabas ng itlog 'yun, pupunta 'yun sa fallopian tube. Kaso merong pagkakataon na minsan hindi sila nakakapagbiyahe. Nananatili sila doon sa fallopian tube dahil maaring may diperensiya 'yung fallopian tube kaya hindi na sila nakakalipat doon sa matres at hanggang doon magdedevelop," ani Mariano.

Paliwanag ni Mariano, maaring makaranas ng ectopic pregnancy ang mga babaeng nagkaroon ng impeksyon o sexually transmitted disease, gayundin ang mga dati nang naoperahan sa fallopian tube.

Katulad ng ibang mga sakit, hindi kaagad lumalabas ang sintomas ng ectopic pregnancy.

"Kagaya ng ibang mga sakit, sa umpisa, asymptomatic, walang sintomas and she has no way of knowing kung nasa loob ba ng fallopian tube," ani Mariano.

Kabilang sa tatlong pinakamadalas na sintomas ng ectopic pregnancy ay ang hindi pagkakaroon ng regla, spotting o pagdurugo, at matinding pananakit ng puson.

Ayon kay Mariano, madalas na nalalaman lamang ng mga nagbubuntis na ectopic ang kanilang pagbubuntis kapag malapit nang pumutok o pumutok na ang kanilang fallopian tube.

Payo niya, mahalagang kumonsulta sa mga doktor bago pa man magbuntis para malaman kaagad kung ectopic ang pagbubuntis.

"Hindi uso sa Filipino 'yung preconceptional counseling eh, and most often, ang pagbubuntis ng mga Filipino, hindi planado," ani Mariano.

Mahalaga rin umanong magpatingin kaagad sa doktor kapag naranasan ang mga sintomas nito para maisalba ang fallopian tube.

Kapag pumutok na ang fallopian tube ay hindi na ito maaring maibalik sa dati.

Ayon kay Mariano, kinakailangang maghintay nang mula dalawa hanggang tatlong buwan kung nais ulit magbuntis matapos makaranas ng ectopic pregnancy, basta't hindi pa pumuputok ang fallopian tube.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.