Grade 1 student na ayaw mag-absent, binibitbit ang kapatid sa klase

ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 10:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Para hindi um-absent sa klase, isang grade 1 student sa Sorsogon ang isinasama ang kaniyang inaalagaang bunsong kapatid sa paaralan.

Si Justin Gargacera, 7 taong gulang, at Jomar Gargacera, 2 taong gulang, ay nakilala sa Magallanes, Sorsogon bilang magkapatid na walang iwanan hanggang eskuwelahan.

Ngunit mas marami pa ang humanga sa determinasyon ni Justin nang mag-viral sa social media ang retrato nilang magkapatid. 

"Naisip ko po na picturan kasi para tularan siya ng ibang bata. Na kahit may dala siyang [kapatid] gusto pa rin niyang pumasok at ayaw niya mag-absent," ayon kay Lei Hilotin, teacher ni Justin na nag-post ng larawan sa social media. 

Naiwan sa kanilang lolo at lola sina Justin at Jomar nang magtrabaho sa Maynila ang kanilang ina.

"Gusto kong pumasok sa eskuwela ang mga bata kasi naaawa nga ako sa kanila kasi lalaki silang walang pinag-aralan kaya kahit elementary matapos nila," kuwento ni Rosa Gargacera, lola ng mga bata. 

Sa tuwing aalis ng bahay ang kanilang lolo at lola para magbenta ng sawali, binabantayan ni Justin ang nakababatang kapatid at isinasama na lang sa paaralan, na nilalakad nila ng higit kalahating oras. 

"Kasi po ayaw kong mag-absent para makatapos ako ng pag-aaral at maging pulis para [matulungan] ko si lola," paliwanag ni Justin. 

Abangan ang buong kuwento ni Justin at iba pang istorya ng inspirasyon sa Linggo sa Rated K.

--Ulat ni Korina Sanchez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.