Naghahanap ng date? 'Secret crush' puwede nang ilista sa Facebook

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 01:47 PM

MANILA - Matagal nang patok ang online dating at marami nang Pilipino ang nahumaling dito. 

At ngayon, maging sa social media app na Facebook, maari nang bumusilak ang iyong lovelife. 

Nitong Miyerkoles, inilunsad ng Facebook sa Pilipinas ang isang dating feature kung saan maaari nang ilista ng mga user ang kanilang "secret crush." 

Ang panibagong feature na ito ay nasa ilalim ng Facebook Dating, kung saan maaaring tumingin ang mga Facebook user kung sino ang bagay sa kanila. 

"On Facebook Dating, you can opt in to discover potential matches within your own Facebook communities: events, groups, friends of friends and more," ayon sa Facebook sa kanilang blog post. 

Ang Facebook Dating ay maaari nang gamitin sa Pilipinas, ang itinuturing na social media capital of the world, Vietnam, Singapore, Malaysia, Laos, Brazil, Peru, Chile, Bolivia, Ecuador, Paraguay, Uruguay, Guyana, Suriname, Colombia, Thailand, Canada, Argentina, at Mexico. 

Ilulunsad din ito ngayong taon sa Estados Unidos. 

PAANO GAMITIN ANG SECRET CRUSH?

Sa "Secret Crush Feature," maaaring pumili ng hanggang 9 Facebook friends ang isang user na pinagkaka-interesan nila. 

Ayon sa Facebook, hindi isasapubliko ang listahan ng isang Facebook user. Hindi rin maaabisuhan ang "crush" kapag wala sa Dating app o walang "Secret Crush" list ang naturang Facebook user. 

Maaabisuhan lang ang "Secret Crush" na may interesado sa kaniya kapag kasama rin ito sa kaniyang listahan. Dito na raw maituturing na "match" ang dalawa. 

"It's all built with privacy in mind, and with the goal of building meaningfully long-term relationships and not just hookups," ayon kay Fidji Simo, na nangangasiwa sa operasyon ng Facebook app. 

-- May ulat ng Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.