'ASAP TLC': Relasyong nagsimula sa 'dating app', nauwi sa kasalan

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 03:18 PM | Updated as of Apr 29 2018 05:39 PM

Hindi mahalaga kung ang relasyon ay nagsimula "online" dahil posible naman itong mauwi sa tunay at panghabambuhay na pag-iibigan.

Ito ang napatunayan ng mag-asawang sina Mervyn at Charlotte Mendoza-Tec, na itinampok nitong Linggo sa segment na "TLC" ng "ASAP."

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Mervyn, bago makilala si Charlotte ay tila sumuko na siya sa paghahanap ng pag-ibig matapos manggaling sa isang limang taong relasyon.

"Ang iniisip ko talaga parang 'di ko na siguro pag-aaksayahan ng panahon 'yong maghanap o magmahal," ani Mervyn, isang doktor.

Isang estudyante ang nagtulak kay Mervyn na subukan ang "dating app" kung saan niya nakilala si Charlotte, isa namang dentista. Aminado si Charlotte na bago si Mervyn ay siya'y "no boyfriend since birth" o hindi pa nagkakaroon ng nobyo.

"May sarili kasi akong dental clinic. Sobrang routine lang talaga ng buhay ko, medyo boring," kuwento ni Charlotte.

Bago si Mervyn, marami nang naka-date si Charlotte na nakilala sa app pero wala aniyang pinatunguhan ang mga ito. 

Gayunman, itinuloy pa rin niya ang makipagkilala sa iba dahil sa pag-asang mahahanap ang tamang lalaking para sa kaniya.

"Kung nando'n ka lang naman sa isang tabi, paano darating iyong love sa'yo? Huwag lang sumuko na maghanap ng love," sabi ni Charlotte.

Pinalad ang dalawa nang mag-match sila sa app at nakahanap ng mga paksa para mapanatili ang pag-uusap.

"'Yong conversation, nag-push through siya kasi we have mutual friends, pareho kaming nag-internship sa PGH (Philippine General Hospital)," kuwento ni Mervyn.

Makalipas ang dalawang araw ng pag-uusap sa app, nagkayayaan na silang magkita sa personal.

"Sobrang speechless ako no'ng nakita ko siya," ani Mervyn.

"Umpisa pa lang parang ang bait-bait na niya tapos sobrang funny niya," sabi naman ni Charlotte.

Matapos ang dalawang buwang panliligaw ay sinagot ni Charlotte si Mervyn.

Inalok naman ni Mervyn ng kasal si Charlotte dalawang taon matapos silang maging magkasintahan.

Hunyo 2017 nang mauwi sa kasalan ang pagsasamang nag-umpisa lang sa simpleng pag-uusap online.

Pinabulaanan ni Mervyn ang pananaw na "hindi seryoso" at "walang patutunguhan" ang "online dating," o iyong paghahanap ng karelasyon sa pamamagitan ng dating sites at apps.

"I think God has a way of granting us our true love. It doesn't really follow na if you meet online hindi na siya magiging seryoso. It's up to you to show her or him kung gaano siya ka-special," aniya.

Handog nina Daryl Ong, Erik Santos, Kyla, at Angeline Quinto ang awiting "Ikaw Lamang" ng Silent Sanctaury para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.