'Mommy-ttorney:' Ikawalo sa 2017 Bar, working mom

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 10:23 PM

Krizza Fe Alcantara-Bagni

Isang working mom ang pumasok sa ikawalong puwesto ng topnotchers ng Bar exams 2017.

Siya si Krizza Fe Alcantara-Bagni, taga-Nueva Vizcaya na muntik na raw hindi matuloy ang pag-aabogasya nang siya'y mabuntis sa edad na 22 noon.

Pero dahil pangarap niya talagang maging 'attorney' at sa pagtutulak na rin ng kaniyang mister, sumabak sa law school si Bagni dalawang buwan lamang matapos manganak.

Nag-enroll si Bagni sa St. Mary's University law school sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kasabay ng pag-aaral, nagturo rin ng accounting subjects si Bagni sa Aldersgate College.



Aniya, napakahirap ng kaniyang schedule habang pinagsasabay-sabay ang pagiging asawa, ina, guro, at law student.

Aalis daw siya noon ng bahay ng alas-7 ng umaga at makakauwi pa lang ng bandang alas-10 ng gabi.

"Paminsan, may klase at may break time, uuwi ako para makasama ang baby ko," kuwento ni Bagni.



"Kahit minsan gusto ko nang tumigil, pinu-push ko na lang sarili ko," dagdag ng topnotcher na nagpasalamat sa pamilya at mga kaibigang sumuporta sa kaniyang pangarap.

Lalo pang mahirap nang mag-review na sa Bar si Bagni dahil sa Maynila siya nag-aral at napalayo sa kaniyang mag-ama.

"Sobrang sacrifice po, nakakaiyak," aniya. 

Nagbunga naman ang pagsisikap at sakripisyo ni Bagni dahil napabilang siya sa top 10 ng mga pumasa sa Bar exams.

Napaiyak pa nga si Bagni nang malaman ang balita mula sa mga kaibigan.

Hindi niya raw inakalang pupuwesto siya sa top 10 dahil sapat na nga para sa kaniya ang pumasa lang sa napakahirap na eksamen.

"Di pa rin nagsi-sink in. I'm overwhelmed... It's a blessing," aniya.

Ngayong napagtagumpayan na ang Bar exams, umaasa si Bagni na magkakaroon ng mga oportunidad para magtuloy-tuloy ang kaniyang karera bilang isang abogada.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.