Mga make-up artist sa Iloilo, sumabak sa ‘Pass the Brush Challenge’

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 12:59 AM

ILOILO CITY--Kung wala sana ang COVID-19 ay abala na ang mga make-up artist sa lungsod na ito sa mga panahon ngayon. 

Noong nakaraang taon ay kaliwa’t kanan ang kanilang mga booking, pero dahil sa umiiral na enhanced community quarantine, nasa bahay lamang sila ngayong buwan.

Isa na rin ang kanilang industriya sa apektado ng epidemya. 

Pero sa halip na magmukmok lang at walang ginagawa sa bahay, naisip nilang gumawa ng "Pass the Brush Challenge," kung saan ipinamalas nila ang kanilang mga make-up transformation.

Video courtesy of United Make-up Artists of Metro Iloilo

Pinagsama-sama at in-edit ang nasabing video, kung saan 48 na Ilonggo make-up artist ang lumahok sa challenge.

Ilan sa mga sumali ay naka-base rin sa Maynila. Umabot na sa 30,000 views ang video.

Ayon sa United Make-up Artists of Metro Iloilo hindi lamang pagpapakita ng kanilang talento ang layunin ng challenge. Gusto rin nilang magbigay ng good vibes sa mga nasa bahay lang dahil sa ECQ. 

Gusto rin nilang ipaabot ang kahalagahan ng pananatili sa bahay para makaiwas sa COVID-19. 

Naniniwala sila na kung sinusunod lang ang ipinapatupad na ECQ makakatulong ito sa gobyerno sa laban kontra COVID-19.