Pera dapat pag-usapan ng mga magpapakasal, mag-asawa: counselor

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2019 01:36 PM | Updated as of Apr 22 2019 01:55 PM

Mahalagang napag-uusapan ng mga magkaparehang magpapakasal at ng mga mag-asawa ang pera, lalo at ito ang isa sa mga pangunahing sanhi ng problema sa mga relasyon, ayon sa isang marriage at family counselor.

"Kadalasan number one pinag-awayan o hindi pinag-usapan ang pera kaya 'pag pre-marital counseling, unang-una ina-advise na mag-usap tungkol sa pera kasi importante 'yon," sabi sa programang "Sakto" ng DZMM ni Dr. Lillian Ng Gui.

"Akala natin pera lang 'yan. Akala natin kinikita lang 'yan pero actually maraming bagay involved diyan," dagdag ni Gui, na chairperson din ng counseling division ng Psychological Association of the Philippines.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumalabas ang tunay na pagkatao ng isang tao sa paraan ng paghawak niya ng pera, na dapat ay alam ng kapareha, ayon kay Gui.

Kabilang sa mga dapat alam ng kapareha ay "paano ka gumastos, saan mo ginagastos at paano mo kinita," ani Gui.

Wala naman daw mali kung nais magtabi ng pera para sa sarili lalo na kung sariling kita ito pero dapat ding isaalang-alang ang pondo para sa mag-asawa o pamilya.

Ipinayo ni Gui ang pagkakaroon ng bank account para sa pamilya o mag-asawa habang nagpapanatili rin ng account para sa sarili.

Pero dapat ay alam din umano ng kapareha ang laman ng personal na account.

"Alam niya at alam mo, magkano ang perang mayroon ka at mayroon siya. Whenever you withdraw, alam din niya, para hindi siya maging cause ng pagdududa," ani Gui.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.