Bakit mahalaga ang paggamit ng sunblock?

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 02:31 PM

Uso na naman ngayong tag-init ang iba't ibang sakit at kondisyon sa balat dala ng pagkalantad sa init ng araw. 

Binigyang diin ng dermatologist na si Dr. Luisa Ticzon Puyat ang kahalagahan ng paggamit ng sunblock upang maiwasan ang mga nasabing sakit gaya ng sunburn o pagkasunog.

Ang sunblock ay nagbibigay ng proteksiyon sa balat laban sa ultraviolet (UV) rays na nagmumula sa araw, sabi ni Puyat sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Sampung minuto ng pagkalantad sa araw lang ang kailangan bago masabing nasunog na ang isang tao dahil sa sikat ng araw, sabi ni Puyat, ayon daw sa pag-aaral.

Pinakamataas daw ang UV rays mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Ipinaliwanag din ni Puyat na ang sun protection factor (SPF), na nababasa sa botelya ng mga sunblock na may kaakibat na numero, ay tumutukoy sa kung gaano katagal napoprotektahan ng losyong sunblock ang balat ng tao.

"Ibig sabihin noon, sun protection factor of 15, halimbawa... 'yong 15 na 'yan minu-multiply doon sa 10 minutes kasi 10 minutes bago ka masunog. So ibig sabihin noon 10 times 15, bago ka masunog, protektado ka ng 150 minutes," ani Puyat.

PAANO MAG-APLAY?

Ipinayo ni Puyat ang paglalagay ng sunblock sa katawan 15 minuto bago lumantad sa sikat ng araw.

Mainam ding maglagay ulit umano ng sunblock kada 2 o 3 oras.

Dagdag pa ni Puyat, dapat naglalagay din ng sunblock kahit nasa loob ng mga gusali dahil nakapapasok pa rin ang UVs sa pamamagitan ng mga bintana.

Base rin umano sa pag-aaral ay may UVs din ang flourescent lights, sabi ni Puyat.

Ayon pa kay Puyat, ilan sa mga malalang epekto ng UV sa katawan ay burning (UVB) o pagkasunog ng balat na puwedeng mauwi sa skin kanser, at aging (UVA) o pagtanda ng balat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.