'Pantawid ng Pag-ibig': Sakripisyo ng volunteers, iba pang frontliner kinilala

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 06:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga doktor at iba pang medical worker, marami pang Pinoy ang nagsasakripisyo at lumalabas ng mga bahay para makatulong sa laban sa bagong coronavirus disease (COVID-19).

Isa na rito ang teacher aide na si Mary Grace Dela Torre, na tumutulong sa pagre-repack ng food packs para sa mga kababayan sa Navotas City.

Kahit may enhanced community quarantine, tuloy sa pagtulong si Dela Torre kahit may iniinda siyang sakit na diyabetes at ilang linggo nang hindi nakakapag-insulin.

Inaalala rin daw niya ang mister na nagda-dialysis.

"Napakalaking luwag para sa kalooban namin na nakakatulong kami," ani Dela Torre sa panayam ng ABS-CBN News.

Kahit tirik ang araw, nag-iikot ang barangay affairs officer ng Taguig na si Christine Basabe, kasama ang iba pang empleyado, para mamigay ng COVID-19 kits.

Sila Basabe rin ang nakatoka na mamigay ng food packs sa bawat barangay.

"Iyon po talaga tungkulin namin bilang public servant. Kailangan po talagang tuloy-tuloy kahit risky," aniya.

Tumutulong ding mag-repack ng relief goods ang scholar na si Mark Anthony Labrador.

"Magiging inspirasyon po ito sa amin na bilang scholar. Ibalik po natin iyong binigay sa atin ng gobyerno," aniya.

Hindi lang sa bakbakan humarap ang sundalong si Major Arniel Turmis kundi pati sa krisis na pinagdadaanan ng bansa ngayon.

"Hindi kami masyadong makauwi o makapunta sa aming pamilya," ani Turmis, na miyembro ng Joint Task Force-National Capital Region ng Armed Forces of the Philippines.

Sina Turmis at mga tropa niya, at mga sibilyang tulad nina Dela Torre at Labrador, katuwang ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan gaya ni Basabe ang mga nagsisilbing tulay para maihatid ang tulong ng Pantawid ng Pag-ibig campaign ng ABS-CBN sa mga taong naapektuhan at lubos na nangangailangan.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

Century Pacific Food Inc.
Rebisco
Suy Sing Corporation
Lucio Tan Group Inc.
McDonald's
Quick Chow Noodles
Mega Sardines
Great Taste 3-in-1
Sunsilk Shampoo
Safeguard
Hana Shampoo
Champion Detergent
Unilab
Ritemed
Generika Drugstore
Air21
Entrego

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.