ALAMIN: Ano ang testicular torsion?

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2017 03:03 AM

Ang testicular torsion ay karaniwang nararanasan ng mga lalaking nasa edad 12 hanggang 20.

Paliwanag ni Dr. Juliano Panganiban, isang urologist, karaniwang nararanasan ang testicular torsion kapag nagkakaroon ng growth spurt ang mga lalaki.

"Dahil sa growth spurt ng lalaki, between ages 12 to 20, 'yung scrotal cavity, lumalaki, so 'yung testis natin, hangs out, so may tendency siya na mag-twist," aniya.

Pangunahing sintomas ng testicular torsion ang pananakit ng testes o scrotum ng mga lalaki.

"The act of twisting on its axis, nawawalan ng blood supply, so technically, namamatay 'yung testis natin. So acute 'yung pain," ani Panganiban.

Dagdag pa niya, maaaring maihalintulad sa isang heart attack ang pananakit na dala ng testicular torsion.

"Parang may heart attack 'yung balls natin, nabigla. Ang characteristic niya, sudden scrotal pain," ani Panganiban.

Mahalaga rin umano na madala sa ospital ang mga batang lalaki sa loob ng anim hanggang 24 oras para maoperahan ang testes.

"We avoid 'yung lengthened time ng torsion... If yung surgery occurs at that golden period or within 24 hours, we will not expect any problem later on in life," ani Panganiban.

Kung lalampas sa 24 oras, maaaring mamatay ang testis at kailanganing tanggalin ito.

Paliwanag ni Panganiban, maaaring makaapekto ito sa kakayahan ng isang lalaki na magkaroon ng anak sa kanyang pagtanda.

"Infarcted yung testis, nakalimutan, namatay right there, it can affect the other testis. And most probably, later on, spermatogenesis will be affected," aniya.

Dahil nangyayari ang testicular torsion kasabay ng normal na paglaki ng mga batang lalaki, wala umanong paraan upang mapigilan ito.

Payo ni Panganiban, maaaring ipasuri ang mga batang lalaki sa mga doktor upang masigurong nasa maayos na posisyon ang kanilang mga testes.

Mahalaga ring maipasuri kaagad sa doktor ang mga batang lalaki kapag sila ay nakaramdam ng sakit sa kanilang testes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.