Imbes maghanda, lolang nag-birthday naghain ng almusal para sa frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 02:40 PM | Updated as of Apr 13 2020 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

GUAGUA, Pampanga — Imbes na magarbong selebrasyon, idinaan ng mga anak at kaibigan ng 73 anyos na ginang ang kaniyang kaarawan sa pagbisita sa mga quarantine and control points sa bayan na ito sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Inabutan ng birthday celebrant na si Raquel Razon at kaniyang mga anak at kaibigan ang mga frontliners ng almusal tulad ng isda at kanin, suman, puto, tamales, at cookies

"Sana po pagpalain kayo ng Panginoon para patuloy kayong gabayan sa araw-araw, bigyan kayo ng malakas na pangangatawan para maiwasan natin itong COVID-19 na ito," ani Roberto Salonga, utility worker na naambunan ng handa ni Razon. 

Bitbit ang gitara, hinarana pa ng mga kaibigan ni Razon ang frontliners.

"Kahit ganito lang po pala kami, merong humahanga sa mga ginagawa namin kaya malaki ang pasalamat namin," ani Reynaldo Tolentino, tauhan ng barangay. 

May kalakip din na makukulay na inspirational greetings ang pa-almusal ni Razon.

Layon ng pamilya ni Razon na sa simpleng paraan nila, mabigyan ng ngiti ang frontliners mula sa higit 3 linggong pagbabantay kontra COVID-19

—Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.