ALAMIN: Mga dapat gawin ng magulang para maiwasan ang 'sibling rivalry'

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gawaing bahay, pagkain, atensiyon: Ilan lamang iyan sa madalas pagbangayan ng mga magkakapatid, bata man o matanda.

Kaya naman isa sa mga hamon sa pagiging magulang ay ang pagpapanatili ng maayos na pagsasamahan ng magkakapatid.

Ayon sa mga eksperto, nag-uugat ang tinatawag na "sibling rivalry" kapag may bagong miyembro ang isang pamilya na umaagaw ng atensiyon mula sa mga nakatatandang kapatid.

Sa panayam sa parenting and relationship expert na si Bessie Rios, sinabi nito sa programang "Sakto" sa DZMM na dapat paghandaang mabuti ang pagpasok ng bagong miyembro ng pamilya. 

"Ang mga bata, habang nagbubuntis pa lang ang nanay o di kaya naman nagde-decide for adoption ay kailangang ihanda," paliwanag ni Rios. 

Dagdag niya, kahit pa ang mga bata ang madalas humihiling ng panibagong kapatid, kapag dumating na ito ay nagsisimula na ang kanilang alinlangan. 

"Alam mo naman ang tao kapag wala pa, medyo excited ka pero pag andiyan na you feel the [jealousy]...Ando'n na ang kanilang alinlangan kung mahal pa ba [sila]," aniya. 

Nakakadagdag din umano sa insecurity ng mga bata ang mga komento ng mga dumadalaw at kantiyaw. 

"Iyong mga tulad ng, 'Uy hindi ka na bunso'. Hindi ito nakakatulong, nakakadagdag pa ito sa alalahanin ng bata," ayon kay Rios. 

Karaniwan namang pinakamataas ang "anxiety" na pinagdadaanan ng mga bunso, ayon sa eksperto.

Para maiwasa ang pagseselos, dapat umanong ipaalala sa bunso na kung ano ang ginagawa sa bagong kapatid ay iyon rin ang ginawa sa kaniya noong bata siya.

Habang lumalaki, kailangan namang balansehin ang atensiyong ibinibigay sa mga magkakapatid. 

"Maganda rin na meron tayong tinatawag na rules of the house na pantay-pantay ang responsibilidad na hindi porke't bunso wala nang gagawin," ani Rios. 

Upang maramdaman ang pagiging pantay, dapat umano na kapag binigyan ng pabor at utos ang isa, ganoon din ang gagawin sa iba. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.