Bo Sanchez: Ang pinakamalaking virus ay takot, hindi COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 04:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Naniniwala si Bro. Bo Sanchez na may mas malaki pang virus kaysa sa COVID-19, at ito ay takot.

Sa panayam sa "Magandang Buhay," iginiit ni Sanchez na hindi magandang isipin na hatol o parusa ng Diyos sa sanlibutan ang novel coronavirus, na kumitil na ng libo-libong buhay sa iba't ibang bansa.

Aniya, mas gusto niyang tingnan ang sitwasyon bilang isang pagkakataon na magbago.

"Huwag nating isipin na ganun," ani Sanchez. "God loves us, God cares for us. Kaya lang, we live in a broken world. Ibig sabihin, hindi perpekto 'yung mundo."

"Ang pinakamalaking virus, actually, ay hindi 'yung COVID-19, pero 'yung takot," dagdag niya. "At kailangang tanggalin natin sa isip 'yung ganitong pananaw, na pinaparusahan tayo ng Panginoon. Hindi po." 

"Puwede nating isipin na ginagamit ng Diyos ito para magkaroon tayo ng pagbabago. Puwedeng ganun. Hindi bilang parusa, pero isang paraan para tayo'y magbagong-buhay, para tayo'y magkaroon ng growth sa ating pamilya [at] sa relationship with the Lord." 

Hinikayat ni Sanchez na gamitin ang panahon ng quarantine upang mapalapit sa Diyos at sa pamilya, at isipin na ang oras sa bahay ay parang isang "forced retreat."

"Meron na tayong time," giit niya. "At lagi kong sinasabi sa mga pamilya ngayon, gamitin niyo 'yung mga meal times niyo, lunch saka dinner, na magkasama-sama kayo."

"Sa bahay ko, banned 'yung mga telepono 'pag kami'y kumakain. Ako 'yung nagko-confiscate ng telepono ng mga anak ko and then tinatabi ko. Tapos ako 'yung nagbibigay ng topic na pag-uusapan."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.