‘Pantawid ng Pag-ibig’: Paghatid ng relief goods sa ilang probinsiya umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 08:55 PM | Updated as of Apr 08 2020 09:35 PM

Matapos mabigyan ng ayuda ang mga taga-Metro Manila umarangkada na noong Miyerkoles ang “Pantawid ng Pag-ibig” campaign sa mga probinsiya ng Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan sa tulong ng kanilang mga lokal na pamahalaan. ABS-CBN News

MAYNILA - Pilit tinutuloy ni Demetrio Mandocdoc ang kaniyang trabaho, makasahod lang bilang taga-disinfect ng mga pumapasok sa pamilihang bayan ng Trece Martires, Cavite.

Pinagkakasya ngayon ni Mandocdoc ang P200 kada araw para sa asawa, biyenan, at 5 anak.

Kaya aniya, malaking luwag sa kanila tuwing may dumarating na relief goods.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Di na bibilhin sa palengke, dalawang kilo, pangdalawang araw na rin 'yon, malaking tulong ho ang relief goods," aniya.

Nakikisakay naman si Maria Luisa Abaniel sa kaniyang mga kapitbahay para makapamalengke.

Pasan ng kaniyang nag-iisang anak ang gastusin ngayong may quarantine, kaya dinidiskarte nila kung paano titipirin ang kaunting nabibili at natatanggap na relief goods.

"Dahil walang pasok nagpupuyat... ‘Yong almusal nagiging tanghalian.
Kahit papaano ‘yong pang-isang linggo nagiging isang linggo at tatlong araw nae-extend naman," aniya.

Imbes naman na bag, nagtatahi ng mga personal protective equipment (PPE) ang mananahi na si Jenaine Dela Cruz para makakita. Pero madalas, sumasandigan pa rin sila sa relief packs kapag talagang gipit na.

Matapos mabigyan ng ayuda ang mga taga-Metro Manila umarangkada na noong Miyerkoles ang "Pantawid ng Pag-ibig" campaign sa mga probinsiya ng Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan sa pakikipagtulungan ng kanilang mga lokal na pamahalaan.

Aminado ngayon ang mga lokal na pamahalaan na isa sa pinakamalaking hamon ang pagkuha ng suplay ng relief goods, kaya naman nagpapasalamat sila sa kampanya.

"Thank you very much, napakalaking bagay ng binigay ninyo, rest assured lahat po ito ay makakarating sa mga residente," ani Cavite Governor Jonvic Remulla.

"Napakahalaga talaga ang public at private partnership ngayong panahon," ayon kay Rizal Vice Governor po si Reynaldo San Juan, Jr.

"Nagpapasalamat ako sa mga suporta. Napakarami pong dumating na donations," ani Bulacan governor Daniel Fernando.

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Food Inc.
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.