'ASAP TLC': Mag-asawang pinaglapit ng musika, karaoke

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 03:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumihis man ng landas at humarap sa maraming pagsubok, sa huli ay sa piling ng isa't isa pa rin nauwi sina Oliver at K Mendoza.

Tampok sa segment na "TLC" ng programang "ASAP" nitong Linggo ang kuwentong pag-ibig ng dalawa, na nabuo dahil sa pagkahilig nila sa musika at pag-awit sa karaoke.

Taong 2004 nang magkakilala sina K at Oliver Mendoza sa kanilang pinagtatrabahuhan sa lalawigan ng Quezon.

Naging malapit sila matapos magkasama sa iisang banda. Bukod dito, inalok din ni K si Oliver na maging miyembro ng choir kung saan napapabilang ang babae.

"Naging friends kami agad pero that time kasi may nanliligaw sa kaniya eh," kuwento ni Oliver.

Isa rin sa mga aktibidad na nagtulak sa dalawa para malapit ay ang madalas nilang paglabas sa mga karaoke bar kasama ang mga kaibigan.

"Medyo nade-develop na rin, going towards panliligaw na" ani Oliver.

May mga pagkakataong pinagtataka ni K kung ang mga inaawit ba ni Oliver ay may pahiwatig para sa kaniya.

"Ito na ba 'yon, ito bang kanta na kinakanta niya para sa'kin?" sabi ni K.

Subalit naudlot ang pagsibol ng kanilang relasyon noong 2006 nang mawala si Oliver sa buhay ni K matapos ma-engage o pumasok sa kasunduang kasal ang babae sa ibang lalaki.

"He cut the friendship, wala na. He resigned from the choir," ani K.

Pero dahil sa pagkakaiba ng simbahan, minabuti na lang ni K at ng lalaking dapat sana'y pakakasalan niya na maghiwalay.

Taong 2007 naman nang malaman ni K na mayroong siyang sakit na lupus, na nakaapekto sa kaniyang kakayahang magkaanak.

Makalipas muli ang dalawang taon ay nagtagpo ulit ang kanilang landas ni Oliver.

Matapos magkaayos, naging madalas ulit ang paglabas nila sa mga videoke bar na naging daan para sila'y magkalapit muli.

Ikinasal sina K at Oliver noong 2010.

Ayon kay Oliver, handa naman niyang tanggapin noon kung hindi sila mabiyayaan ni K ng anak, pero matapos ang dalawang taon ay nabuntis si K.

Itinuturing ito ni K bilang "full-blown blessing sa relationship namin."

Mensahe ni K sa asawa: "Ikaw ang musika ng buhay ko, ikaw ang kumukumpleto sa harmony ng lahat ng nota sa nararapat sa kuwento natin."

Inalay nina Erik Santos at Daryl Ong ang awiting "Just A Love Song" ni Walter Murphy para kina K at Oliver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.