Kapeng pampagising, gamit sa sining ng 18 anyos sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 06:47 PM

Hindi lang pampagising ang kape, isa rin itong gamit sa sining ng babaeng pintor sa Esperanza, Sultan Kudarat

Sa halip na pintura, hinalong coffee powder sa tubig ang nagbibigay kulay sa mga dibuho ng 18 anyos na si Jennifer Anciano.

Kamakailan lang natuklasan ni Anciano na may kakayahan siyang gumuhit at magpinta. 

Bago magkaroon ng interes sa coffee painting, nagsimula muna siya sa lapis, charcoal, at acrylic.

Nang ma-post sa social media ang mga larawang ipininta, marami ang nakapansin.

Isa na rito si Charmaine Ladot, na i-dinisplay ngayon ang ilang gawa ni Anciano sa kaniyang coffee shop sa Koronadal City.

"Sometimes because of walang pera, working student, nali-limit 'yong potential to have success in life. So 'yon 'yong gusto namin. With her attitude in lfie, mapu-push pa siya," ani Ladot.

Umaasa si Anciano na makapagpapatuloy siya sa kolehiyo at makakamit ang pangarap na maging arkitekto.

Mula kasi junior high school, nang magkaroon ng problema sa kanilang tahanan, namasukan si Anciano bilang kasambahay para mairaos ang pag-aaral.

Napatunayan ni Anciano na hindi balakid ang mga pagsubok para maabot ang kaniyang pangarap na edukasyon dahil nakatakdang magtapos si Anciano ng senior high school sa Huwebes, Abril 5.

-- Ulat ni Chat Ansagay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.