VIRAL: Bata sa Davao City binigyan ng pagkain, 'air hug' ang magulang na pulis

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 02:29 PM

DAVAO CITY -- Naantig ang mga netizens sa video sa social media kung saan binigyan ng "air hug" at pagkain ng isang 9 anyos na bata ang kaniyang magulang na pulis na rumoronda sa gitna ng panganib ng COVID-19 sa siyudad na ito. 

Sa video na kuha ni Theresa Ugto sa social media, makikitang hinatiran ng pagkain ng 9 taong gulang na si Perszi Nestoso ang kanyang ina na si Patrolwoman Josephil Nestoso bilang pagpapakita ng pagmamahal. 

"Tumawag kasi yung kapatid ko na nagkataon na dito daw dadaan yung patrol car, para sa rekorida, para sa public awareness regarding ng COVID-19. Sinabi niya sa akin, kung puwede daw sana, makita niya yung anak niya, kasi nga nami-miss na niya ito," ayon kay Theresa, na kapatid ng pulis.

Umabot na sa mahigit 1 million views ang video, na karamihan ay naawa sa sitwasyon ng mag-ina na hindi man lang magkalapit dahil sa COVID-19.

Makikita sa video na nang dumating ang PNP patrol car at lumabas si Nestoso, inilapag lamang ng bata ang prutas at biskwit para sa kanyang ina. Bago nagkahiwalay, nag-air hug muna ang dalawa dahil sa abiso na physical distancing.

"Alam niyo po, gustong-gusto niya talagang yakapin ang nanay niya, pero hindi po talaga puwede," ani Theresa.

Napaiyak din daw si Theresa habang nagvi-video dahil sa sitwasyon ng mag-ina.

"Hindi ko talaga kaya tingnan ang dalawa na ganoon, na nag-air hug na lang sila. Makikita mo yung pagmamahalan ng dalawa na mag-ina, kasi sila lang dalawa. Single mom kasi yung kapatid ko," ani Theresa

Mensahe ni Theresa sa kanyang kapatid: "Ding, we love you so much. Please keep safe for your child. Keep safe for us."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.