Kailan masasabing nabu-bully ang anak?

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 08:07 PM

Ang biglaang pagbabago ng ugali ng bata ay sintomas na maaaring ito ay nabu-bully o inaapi ng iba, ayon sa isang eksperto. 

Kaya ipinayo ng parent educator at positive discipline advocate na si Clarice Talavera-Aviñante sa mga magulang na magkaroon ng kamalayan sa mga ikinikilos ng kanilang mga anak. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Importante na ‘yong magulang tinitingnan niya, nakikita niya ‘yong mga anak niya," sabi ni Aviñante sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Kunyari ayaw pumasok ng school, walang ganang kumain, ayaw gumawa ng homework... tapos titingnan mo ano ba 'yong nangyayari kasi hindi naman magbabago basta-basta ang bata," paliwanag ni Aviñante.

Mahalaga rin daw na maramdaman ng bata na siya ay may koneksiyon sa magulang dahil mas madali raw siyang makapagsasabi sa magulang kung nakararanas ng pang-aapi.

Marami kasing magulang, ani Aviñante, ang "hindi sineseryoso" o madaling ibinabalewala ang sinasabi ng kanilang mga anak, lalo kung abala sa ibang bagay.

PAMANTAYAN NG ‘BULLYING’

Ayon kay Aviñante, may ilang pamantayan para masabing naaapi na ang bata.

May mga pagkakataong kasing agad nabibigyan ng "label" na pambu-bully ang insidente ng pag-aaway sa pagitan ng mga bata, sabi ni Aviñante.

Isa sa mga pamantayan ay ang "imbalance of power," kung saan ang isa sa 2 batang sangkot ay nakalalamang.

"Mas malakas, physically, mas popular, mas may social support," paliwanag ni Aviñante.

"It can be a real power or perceived power pero mayroong ganoon siya ‘yong mas mataas," aniya.

Maituturing ding pambu-bully kapag "repetitive" o paulit-ulit na ang pang-aapi sa bata, o kapag isang beses nangyari ang pang-aapi pero may posibilidad na maulit ulit. 

HUWAG MAGING EMOSYONAL

Ipinayo rin ni Aviñante sa mga magulang na iwasang maging emosyonal kapag nalamang inaapi ang anak at subukang maging mahinahon sa pagtugon sa sitwasyon.

"Dapat marunong pumigil [ng emosyon] at kayang mag-isip, to be level-headed while talking to the kid," ani Aviñante.

Dapat din daw ay maramdaman ng batang inapi na siya ay sinusuportahan sa halip na sinasagip.

Huwag ding hikayatin ang bata na gumanti sa taong nang-api sa kanya, ani Aviñante. 

"Nagbibigay tayo ng kultura ng violence at lalaki siya nang ganoon na ‘pag nasaktan siya ay puwedeng manapak din," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.