'Pantawid ng Pag-ibig': Bigas, pagkain hatid sa taga-San Roque sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 08:52 PM | Updated as of Apr 01 2020 09:47 PM

Bilang pag-alalay sa mga residente ng Barangay Pag-Asa at ng lokal na pamahalaan, nagdala ang “Pantawid ng Pag-Ibig” campaign ng ABS-CBN ng 25,000 kilo ng bigas at iba pang food items. ABS-CBN News

Dalawang araw nang kumakain ng asin ang pamilya ni Anna - hindi niya tunay na pangalan. 

Hinaing niya, magdadalawang linggo na ang enhanced community quarantine, na magtatagal hanggang Abril 12, pero marami pa raw sa kanila na hindi pa nakatatanggap ng food packs na ipinangako ng lokal na pamahalaan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaya’t nang may kapwa-residente raw na nagsabing magkakaroon ng relief operations sa kanilang lugar ay naglabasan sila para pumila. 

Pero ang inaasahang ayuda, nauwi sa kaguluhan. 

Nawala pa umano ang grocery na ibinili ni Anna, at hinuli ng pulisya ang kaniyang asawa. 

“‘Yong P200 na grocery wala po. Pagtingin ko po wala na. Bakit ipapadapa ako? Wala naman akong kasalanan?” daing niya. 

Una nang sinabi ng Barangay Community Relations Department Head na si Ricky Corpuz na makakalabas naman daw ang mga ikinulong. 

"Iyan naman po ay pakakawalan kasi, ang karamihan po ay biktima po sa... destabilization plot ang kanilang pakay," ani Corpuz. 

At bilang pag-alalay sa mga residente ng Barangay Pag-Asa at ng lokal na pamahalaan, nagdala ang "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN ng 25,000 kilo ng bigas at iba pang food items. 

Naglabas din ng nasa 4,000 relief goods ang lokal na pamahalaan. 

Tiniyak ni Rudy Palma, chairman ng Barangay Pag-Asa sa Quezon City na ipapamigay ito sa mga taga-San Roque. 

“Sa lawak po ng ating nasasakupan talagang hindi po mabibigyan yan lahat. Talagang mabibigyan naman po lahat. Basta’t diyan lang po kayo sa bahay at kami na po ang magde-deliver,” ani Palma. 

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.