'Kondisyon ng kutis, may koneksiyon sa lagay ng kalusugan'

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2018 06:02 PM | Updated as of Jan 05 2019 10:24 AM

Maaaring maging salamin ang kutis sa lagay ng kalusugan ng tao, ayon sa isang nutritionist.

Nakikita rin daw kasi sa kondisyon ng balat ng tao ang klase ng diyeta niya.

"Particulary when it comes to our diet, whatever you eat affects our health and it also affects how we look," paliwanag ng nutritionist na si Ailyn Mae Kuan-Del Rio sa panayam ng programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM.

"Example, if you eat high-fat food, tendency you feel bloated, parang ang bigat-bigat ng feeling. It also affects your skin."

Payo ng nutritionist para mapanatili ang magandang kondisyon ng kalusugan at kutis, dapat iwasan ang mga pagkaing mataas ang sugar content pati na rin ang mga processed food o mga pagkaing marami nang dinaanang proseso bago ito dumating sa anyong makakain na ito.

Halimbawa ng mga processed food ay iyong mga karneng de-lata, hotdog, bacon, biskuwit, at maging iyong mga ima-microwave na lang ay puwede nang kainin.

Sabi ni Del Rio, mas mainam kung ang mga kakainin ay iyong "whole food" tulad ng mga sariwang prutas at gulay.

"This whole food actually is the one coming from nature na 'di dumaan sa proseso so we have the full potential of its nutrients and its effect in our body," ani Del Rio.

Isa sa mga inirerekomenda ni Del Rio na gulay ay ang malunggay na maituturing na "nature's multivitamin" dahil sa dami nitong hatid na nutrisyon sa katawan.

Pagdating naman sa kanin, "the darker the better," ayon kay Del Rio.

Ibig sabihin, kaysa ang nakasanayang white rice, mas mainam kung ang pipiliin ay brown o red rice.

"It [colored rice] is less processed. Wala pong proseso na nag-strip off no'ng natural vitamins' particularly the B vitamins of rice. Next, it contains fiber na nawawala sa rice na puti na usual na kinakain. It also contains phytochemicals. Mayroon pa po siyang vitamins na natitira, at madali po tayong nabubusog, iyon ang maganda dito sa colored rice," anang nutritionist.

"[White rice] all you get is carbohydrates na madali pong makapagpapataas ng ating blood sugar level, mataas po ang glycemic index," paliwanag ni Del Rio.

May masamang epekto kasi sa katawan kapag tumaas ang sugar level nito.

"Kapag mataas ang sugar, ang nangyayari ay the sugar attacks the collagen of your skin," sabi naman ni Quirino.

Paliwanag din ng isang dermatologist, nagdudulot ang pagtaas ng sugar level ng pamamaga o inflammation sa katawan na maaaring makita rin sa panlabas na anyo ng tao.

"Kapag tumaas ang sugar natin sa dugo, ang nangyayari ay nagpo-produce tayo ng insulin. So kapag nag-release tayo ng insulin, ang tendency is 'yong inflammation sa katawan natin ay tumataas din," ani Dr. Catherine Anne Caoile, isang dermatologist.

"Once na inflamed 'yong ating skin, or 'yong ating katawan, makikita 'yon sa ating physical attributes."

SKIN CARE

Bukod sa pagkain ng tama at sapat, isa pang iminumungkahi ni Caoile ang pag-inom ng mga bitamina para mapanatili ang maayos na kalusugan.

Mainam din aniya ang bitamina pangontra sa epekto ng matinding sinag ng araw na maaaring makasira ng balat lalo na ngayong tag-init.

"Mag-load tayo ng vitamins, especially Vitamin C which is rich in antioxidants. Mayaman ito sa antioxidants na pumapatay o lumalaban sa free radicals na cause ng UV damage," ani Caoile.

Ayon kay Del Rio, kabilang sa mga pagkaing mataas sa vitamin C ang bayabas, bell pepper, patatas, kamote, pati na ang mangga.

Paalala rin ng dermatologist, mabuti man sa katawan ang sikat ng araw dahil nagbibigay ito ng Vitamin D, hindi pa rin dapat masyadong matagal ang pagbibilad sa araw dahil puwede itong magdulot ng sunburn o pagkasunog ng balat.

Isang palatandaan na sumobra na ang pagbababad sa init ng araw ay kapag namula na ang balat.

"Kapag na-reach na ang pinkish glow sa skin, enough na 'yon. If we go beyond that, kapag sumobra tayo doon maaaring masunog na ang ating balat," sabi ni Caoile. 

"'Yong between 10 [a.m.]-3 p.m. [na sunshine], 'yon ang di maganda. So kung lalabas tayo at magpapaaraw, before 10 a.m. or after 3 p.m."

Kung magbibilad sa araw, payo ng dermatologist ay gumamit ng sunblock bilang proteksiyon sa UV rays na mapaminsala sa balat.

"'Yong sun protection factor or 'yong SPF na tinatawag, I would recommend at least 30 SPF... 'yong SPF 50 doon na nagkakaroon ng plateau... more than 50 hindi na rin tumataas ang protection [laban sa sunburn]," ani Caoile.

Kapag naman nasa beach, dapat waterproof ang gamiting sunblock o kaya'y ugaliing magpahid ng sunblock kada dalawang oras.

Sa pagkakataon namang na-sunburn na o nasunog na ang balat, puwede itong lagyan ng nabibiling soothing creams para maibsan ang hapdi o kaya'y lagyan ng natural na sabila o aloe vera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.