ALAMIN: Ano ang sanhi ng erectile dysfunction?

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 01:49 AM

Isa ang stress sa mga pangunahing sanhi ng erectile dysfunction, lalo na sa mga lalaking nasa edad 20 hanggang 30.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo, ipinaliwanag ni Dr. Frances Bragais, isang urologist at male infertility expert, na karaniwang mga lalaking may edad 40 pataas ang nakakaranas ng erectile dysfunction.

Ang erectile dysfunction ay isang kundisyon kung saan nahihirapan ang isang lalaki na panatilihin ang erection o ang pagtigas ng ari.

"Para masabi mo na may erectile dysfunction, 'yung sensitive na parte ng mga kalalakihan, 'yung tigas niya, hindi niya name-maintain to complete the act. Pwedeng nagkakaroon siya ng erection pero hindi niya nasusustain long enough," ani Bragais.

Isa sa mga madalas na sanhi ng erectile dysfunction sa mga lalaking may edad na ay ang mga sakit tulad ng diabetes o hypertension.

"Ang diabetes, number 1 na nagdadala ng erectile dysfunction 'yan. 'Pag mataas ang blood sugar, 'yung blood vessels nila at saka 'yung nerves, affected 'yan and these are very important structures to maintain erection. Nagkakaroon ng defect doon," paliwanag ni Bragais.

Madalas na bumababa rin ang lebel ng testosterone ng isang lalaki habang tumatanda ito.

"Habang ang edad ay tumataas, bumababa ang testosterone level," dagdag ni Bragais.

Sa mga mas nakababatang lalaki, karaniwang sanhi ng erectile dysfunction ay ang stress.

"For younger patients, the most common cause is stress. 'Yung mga nasa call centers natin na baliktad iyung araw at gabi nila, pati yung hormones nila nagkakaroon ng imbalance," paliwanag ni Bragais.

Dagdag pa ng doktor, magkaiba ang pagkakaroon ng erectile dysfunction o impotence sa pagkabaog o infertility.

"'Yung impotence, 'yun yung may erectile dysfunction. They cannot perform the deed. Pero ang infertility, hindi sila magkaanak. So marami naman tayong mga kalalakihan na walang erectile dysfunction, pero baog," aniya.

Maaring malunasan ang erectile dysfunction at infetility sa pamamagitan ng testosterone injections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.