SILIPIN: Stations of the Cross sa ilalim ng dagat

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 10:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Malinis at pino ang buhangin sa Saud Beach, na isa sa mga tanyag at kinagigiliwang destinasyon ng mga turista sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Bukod sa perpektong puntahan tuwing tag-init, tampok din sa beach ang isang kakaibang aktibidad — ang Stations of the Cross sa ilalim ng dagat.

Maaari itong dayuhin at pagnilayan ng mga namamanata tuwing Semana Santa.

Gamit ang snorkel, vest at fins na pinapaupa ng mga residente, maaaring magdasal sa mga "underwater" na estasyon.

May apat hanggang walong talampakan ang lalim ng dagat kung saan matatagpuan ang mga istasyong gawa sa marmol.

Labinlima hanggang 20 metro ang layo ng bawat isa, na nakikita sa pamamagitan ng pag-alalay ng mga miyembro ng Lifeguard Association of Pagudpud.

Ang naturang samahan ng mga lifeguard din ang may ideya ng "underwater" Stations of the Cross.

“Naisipan namin ito para magkaroon ng activity dito sa Municipal Beach Park, lalo na ngayong Holy Week,” sabi ni Henelyn Alterado, pangulo ng Lifeguard Association of Pagudpud.

Para naman sa lokal na pamahalaan ng Pagudpud, paraan ito para ipaalala sa mga tao na kasabay ng bakasyon ay ang hindi paglimot sa kanilang pananampalataya.

"Para ‘yong mga hindi makapunta ng simbahan, siguro, through swimming, snorkeling, puwede silang magdasal,” ani Mayor Marlon Sales.

Mahigpit namang binabantayan ang kalinisan sa lugar at kaligtasan ng mga lamang-dagat na naninirahan dito.

Tatanggalin ang mga marmol na istasyon matapos ang Semana Santa at inaasahang ibabalik sa susunod pang taon.

-- Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.