Dapat bang paniwalaan ang mga pamahiin tuwing Semana Santa?

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 04:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga nakaugaliang itinuro ng simbahan, mistulang bahagi na rin ng paggunita sa Semana Santa ang paniniwala ng mga Pinoy sa mga pamahiin.

Ilan lang sa mga karaniwang pamahiin tuwing Semana Santa ang pagbabawal na maligo at pagbababala sa mga bata na umiwas sa pagiging malikot o lubos na pagsasaya.

Pero ayon kay Fr. Jojo Zerrudo, pinuno ng Diocese of Cubao Catechetical Ministry, hindi kabilang ang mga pamahiing ito sa mga kaugaliang hinihimok ng simbahan na isabuhay tuwing Semana Santa.

"Di naman siya pinu-push ng simbahan para paniwalaan ng mga tao dahil 'di naman dapat talaga," sabi sa DZMM ni Zerrudo.

Maaari umanong nag-ugat ang mga pamahiing ito sa pagnanais ng mga Pinoy na magsakripisyo.

"Mayroon tayong tradisyon ng pagpapakasakit. Tayong mga Filipino mahilig maligo kasi kainitan ng panahon, parang bahagi na iyon ng sacrifice nila, penitence," aniya.

Pero, ani Zerrudo, may ilan naman sa mga pamahiing ito ang may mabuting hangarin kaugnay sa paggunita ng Mahal na Araw.

Halimbawa niya'y ang pakiusap sa mga bata na huwag maging malikot.

"Para makapagpanalangin lalo ang mga tao, kailangan nilang (mga bata) manahimik nang kaunti. Siyempre para makita din ng mga bata na kakaiba ang panahon ng Mahal na Araw."

Bukod sa paniniwala sa mga pamahiin, isa pang paksa ng talakayan ay ang nauuso, lalo sa mga kabataan, na pagkuha ng mga retrato kapag lumalahok sa mga pilgrimage o paglalakbay sa mga banal na lugar.

Wala naman umanong mali sa pagkuha ng mga retrato dahil maaari itong magsilbing pagpapaalala para sa mga namamanata.

"Mayroon mga pilgrimage site na maaaring pagkuhanan ng pictures pero nasa ayos, hindi doon sa mga pinakasagradong lugar," aniya.

Katanggap-tanggap umano ito basta't hindi nakagugulo sa mga nagdadasal.

Mayroon naman umanong mga pilgrimage site na may mga nakatalagang lugar kung saan ipinagbabawal ang pagkuha ng mga retrato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.