ALAMIN: Paano malalabanan ang stress sa trabaho?

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 01:59 AM | Updated as of Mar 29 2017 10:30 AM

Madalas na nakakaranas ng stress ang mga manggagawa dahil sa kanilang trabaho o sa kanilang mga boss.

Sa panayam sa DZMM, ipinaliwanag ni Dr. Regina Hechanova ng Ateneo de Manila University (ADMU) na madalas na pagmulan ng stress ng mga empleyado ang matinding trapik, ang kanilang mga boss o amo, at ang kanila mismong mga trabaho.

Karaniwan umanong nakakaranas ng stress ang mga empleyadong hindi makasundo ang kanilang mga boss, gayundin ang mga madalas na nag-oovertime dahil sa tambak ng trabaho.

Payo ni Hechanova, makipag-usap sa mga kapwa empleyado o sa human resources officer upang ipagbigay alam ang mga problemang ito.

"Meron namang maaring gawin pero ang importante, makipag-usap," aniya.

Marami na rin umanong mga kumpanya na may mga programa para makatulong sa mga empleyado na mabawasan ang stress sa trabaho.

Bagama't normal lamang na ma-stress ang isang tao, hindi na ito maganda kung nakakaapekto na ito sa trabaho.

"Nagdi-dip 'yung productivity o napapabayaan niya 'yung kanyang responsibilidad sa sarili o sa trabaho," ani Hechanova.

Paano mababawasan ang stress? Narito ang mga payo ni Hechanova.

1. Makipag-usap

Mainam na makipag-usap sa mga katrabaho o kaibigan upang mailabas ang mga saloobin.

"Kasi maraming tao, kinikimkim 'yung stress. Eh lalo tayong magkakasakit kung ganun," ani Hechanova.

Maari ring makipag-usap sa mga psychologist o psychiatrist kung kinakailangan.

2. Mag-ehersisyo

Ayon kay Hechanova, magandang outlet ng stress ang pag-eehersisyo.

"Ang exercise kasi nagpo-produce ng chemical na endorphin that makes us happy," aniya.

3. Alagaan ang sarili

Bukod sa pag-eehersisyo, nakakatulong rin ang pagkain ng masusustansyang pagkain at pagkakaroon ng sapat na tulog para mabawasan ang stress.

4. Pahinga at recreation

Mainam rin na gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo, maging ito ay pagsa-shopping, panonood ng sine, o kaya ay isang hobby.

5. Quiet time

Dagdag pa ni Hechanova, nakakatulong rin ang pagdarasal o pag-memeditate para mabawasan ang stress.