ALAMIN: Sino ang mga kalipikadong mag-donate ng kanilang bato?

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 05:56 PM

Isa sa mga lunas sa malulubhang sakit sa bato ay ang pagsailalim sa kidney transplant, kung saan ililipat ang bato ng isang tao sa pasyente. 

Pero yon sa executive director ng National Kidney Transplant Institute (NKTI), may kalipikasyon ang mga maaaring magbigay ng kanilang kidney. 

"The donor must be very much healthy, kasi ang isang [kidney] niya ibibigay niya so mabubuhay din siya na isang kidney na lamang. At dapat wala din siyang sakit," ani Dra. Rose Liquete sa "Good Vibes" ng DZMM. 

"Lungs are clear walang infection, walang hepatitis, the function of the body except the kidney is doing good," dagdag ni Liquete. 

Mas paborable rin daw kung ang kidney ay mula sa kamag-anak para maiwasang ma-reject ng katawan ng pasyente.

Bawat kidney transplant procedure ay sumasailalim sa isang ethics committee para masiguro ang kaligtasan ng pasyente at ng donor. 

"Kailangan pangalagaan ang nag-donate sa inyo, it's not just binigyan na lang," ani Liquete. 

Ibinahagi naman ng isang kidney transplant patient ang kaniyang karanasan. 

Kuwento ni Julie Nealaga, 2014 nang ma-diagnose siya ng kidney failure at araw-araw siyang sumasailalim sa dialysis noon. 

Pero iminungkahi sa kaniya ng mga doktor na sumailalim na lang sa transplant para hindi na pabalik-balik sa ospital para magpa-dialysis. 

"Mas mahal ang dialysis kaysa transplant," ani Nealaga, na tumatayong digital media and campaign head ng isang organ donor advocacy group. 

Inanyayahan ni Liquete na sumailalim sa taunang urinalysis para agad na maagapan kung may problema sa bato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.