ALAMIN: Paano tutulungan ang taong depressed

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 05:11 AM

Ayon sa mga doktor, malaking tulong sa mga taong nakakaranas ng depresyon ang pagkakaroon ng mga taong handang makinig sa kanila.

Sa panayam sa "Magandang Gabi Dok" sa DZMM Teleradyo, ipinaliwanag nina Dr. Jerome Go at Dr. Susan Mercado ang kahalagahan ng pakikinig.

Mahalaga rin umano na masabi ng isang taong may depresyon ang kanyang nararamdaman upang makabawas ito sa kanyang dinaramdam.

"Itong sakit na depresyon, ito ay treatable. Mayroong gamot ito, at ang importanteng first step, pag-usapan mo, huwag kang mahihiyang magsabi sa kaibigan mo, sa mahal mo sa buhay, na malungkot ako," ani Go.

Dagdag rin ni Mercado, mas makakabuti kung makipag-usap sa doktor sa halip na magpakalulong sa bisyo.

"Kung pupunta ka sa doktor, bibigyan ka ng tamang gamot, you'll actually feel better. After 1 or 2 weeks, makikita mo 'yung diperensiya nung umiinom ng tamang gamot," aniya.

Ayon din kay Go, hindi lahat ng nagpupunta sa mga doktor ay kinakailangang uminom ng gamot, dahil may mga pagkakataon na kailangan lang ng mga pasyente ng taong handang makinig sa kanila.

"Hindi naman lahat ng nagkakaroon ng ganitong karanasan, ginagamot agad agad. It's very important pa rin for the patients to come to the doctors, and the doctors to assess kung kailangan na talagang bigyan ng gamot," aniya.

Payo rin ni Mercado, matutong makinig kung sakaling may kaibigan o kapamilya na nakakaramdam ng kalungkutan.

"Affirm that you heard na the person is in pain," aniya.

Mas makakabuti rin umano iwasan ang pagkukumpara sa sariling karanasan, o kaya ang pagbalewala sa nararamdaman ng isang taong nakakaranas ng depresyon.

"It does not actually help. Akala nila nakakatulong, nakaka-motivate pero hindi. Kasi ang naiisip ng taong nade-depress, hindi niyo ako naiintindihan," paliwanag ni Go.