LISTAHAN: Supermarket products na may 'purchase limit' sa gitna ng COVID-19 lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 05:34 PM

MAYNILA - Maramihang instant noodles sana ang gustong bilhin ni Rachelle Tolentino. 

Pero sakop ng bagong memorandum ng Department of Trade and Industry ang paglimita sa maaaring bilhing instant noodles — na nasa 5 kada kustomer. 

Sangkaterbang sardinas naman ang gustong bilhin ni Grace Enopia pero pasok din ang sardinas sa listahan ng may limit ang puwedeng bilhin. 

Batay sa memorandum ng Department of Trade and Industry (DTI), may limit na ang mga sumusunod

  •  Alcohol
  •  Hand sanitizer
  •  Disinfecting liquids
  •  Bath soap
  •  Toilet paper
  •  Face mask
  •  Instant noodles
  •  Delatang sardinas
  •  Gatas sa lata
  •  Gatas sa sachet
  •  Kape
  •  Mineral water
  •  Loaf bread

Ayon sa grupong Laban Konsyumer, noong isang linggo pa silang umapela na huwag magpanic-buying o hoarding dahil may suplay naman. 

Payo ng ilang supermarket, direkta nang makipag-ugnayan sa kanila ang mga lokal na pamahalaan o organisasyon na kailangan ng bultong stock. 

BIGTIME ROLLBACK INAASAHAN 

Samantala, uunahin na bukas ng Phoenix Petroleum ang “bigtime” rollback. 

Nasa P3/litro ang inaasahang bawas sa gasolina at P2 sa diesel simula umaga nang Sabado. 

Sa unang 4 araw ng trading sa World Market, nasa P4.60 ang ibinagsak ng presyo ng gasolina, P2.40 sa diesel at P3.60 sa kerosene. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.