KILALANIN: Mga kinoronahang 'Binibini'

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2018 02:42 PM | Updated as of Mar 19 2018 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinoronahan nitong Linggo ang bagong pangkat ng mga beauty queen na kakatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang beauty pageant.

Kabilang sa mga bagong batch ng Pinoy beauty queens ang ilang "experienced" na beauty queen, professional volleyball player, at registered nurse na law student.

CATRIONA GRAY - MISS UNIVERSE PHILIPPINES

Tulad ng inasahan ng mga tagasubaybay at eksperto ng mga beauty pageant, hindi bigong makasungkit ng korona ang 24 anyos na si Catriona Gray, na lalaban sa Miss Universe 2018 para sa Pilipinas.

Bukod sa titulo, hinakot din ni Gray ang iba't ibang special awards sa Binibining Pilipinas 2018, kabilang ang Pitoy Moreno Best in National Costume Award, Miss Ever Bilena, Jag Denim Queen, Best in Swimsuit, at Best in Long Gown.

Pero hindi ito ang unang pagkakataon na lalahok ang tubong-Albay na Filipino-Australian beauty sa isang international beauty pageant.

Nakilala si Gray bilang pambato ng bansa sa Miss World noong 2016, kung saan nagtapos siya bilang bahagi ng top five.

Kaya't ganoon na lang ang ugong ng kaniyang pangalan noong panahon pa lang na namimili ang Binibining Pilipinas ng mga lalahok sa pageant ngayong taon.

Ayon kay Gray, kabilang sa mga advocacy na itinatugyod niya ay ang edukasyon at musika.

MA. AHTISA MANALO - BB. PILIPINAS INTERNATIONAL

Nagmula sa Candelaria, Quezon ang 20 anyos na si Ma. Ahtisa Manalo, na hinirang na Binibining Pilipinas International 2018.

Lumaki si Manalo na may "boyish" na katangian na nagtulak sa kaniya para mangarap na maging pulis.

Subalit tumutol ang kaniyang pamilya sa pagkuha niya ng programang public safety sa Philippine National Police Academy (PNPA) kaya isinantabi muna niya ang pangarap at kumuha ng kursong accountancy sa kolehiyo.

Pero hindi nagpatinag si Manalo at matapos ang accountancy ay itinuloy pa rin niya ang pag-aplay sa PNPA, lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kaanak at kaibigan.

Hindi rin maikakaila ang pagkahilig ni Manalo sa mga hayop, lalo at may 15 siyang inaalagaang pusa.

JEHZA MAE HUELAR - BB. PILIPINAS SUPRANATIONAL

Ang bagong hirang na Binibining Pilipinas Supranational ay ang 23 anyos na si Jehza Mae Huelar mula Davao City.

Isang finance graduate at dating nagtrabahong executive assistant sa isang unyon ng mga mandaragat o seamen si Huelar.

Kabilang sa kaniyang mga interes ang pagtuturo ng sports sa mga bata.

"Because our body is designed to move and it is also a way of overcoming adversities in life," ani Huelar.

EVA PSYCHEE PATALINJUG - BB. PILIPINAS GRAND INTERNATIONAL

Ang 23 anyos na si Eva Psychee Patalinjug ang susubok na mag-uwi ng korona para sa bansa sa pageant na Miss Grand International.

Pangunahing itinataguyod ng beauty queen mula Cebu City ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso at rape, na nagagampan niya bilang miyembro ng isang non-governmental organization.

Hindi rin maikakakila ang hilig ni Patalinjug sa pagbabasa at pag-aaral, lalo at nagtapos siya na valedictorian ng kaniyang batch.

Isa rin siyang registered nurse at kasalukuyang kumukuha ng law degree.

KAREN JUANITA GALLMAN - BB. PILIPINAS INTERCONTINENTAL

Tila beterano na rin sa mga pageant ang 25 anyos na Filipino-Australian na si Karen Gallman, na kakatawan sa Pilipinas sa Miss Intercontinental.

Taong 2012 nang unang sumali sa Gallman, noo'y 19 anyos, sa Binibining Pilipinas. Umabot siya hanggang top 12 at inuwi ang Binibining Photogenic award pero nabigong makasungit ng korona.

Adovcacy ni Gallman ang pagpapaunlad sa compulsory education sa mga lalawigan sa bansa. 

Nag-ugat umano ito noong siya'y nag-aaral pa sa Bohol, kung saan nakita umano niya kung gaano kahirap para sa ibang bata mula sa mga rural area na makakuha ng magandang kalidad ng edukasyon dahil umano sa kakulangan sa materyales.

Hilig din ni Gallman ang maglakbay at ayon sa kaniya'y nakapunta na siya sa higit 30 bansa.

MICHELE THERESA GUMABAO

Mula sa mundo ng mga atleta, sasabak naman ang professional volleyball player na si Michele Gumabao sa international beauty pageant. Siya ang hinirang na pambato ng Pilipinas sa Miss Globe.

Bukod sa titulo, si Gumabao rin ang binigyan ng special award na Ms. Cream Silk.

Kuwento ni Gumabao, halos buong buhay niya ay umikot sa sports, partikular sa volleyball. 

Nagsimula ito noong 12 anyos at nagtuloy-tuloy hanggang sa makapasok siya sa kolehiyo, kung saan nagsilbi siyang co-captain ng De La Salle University Lady Spikers.

Nais ni Gumabao na sa pamamagitan ng kaniyang pagkahilig sa sports ay maging inspirasyon siya sa mga kabataan. Sa katunayan ay mayroon siyang sariling volleyball camp na sinimulan niya noong 2012.

Bago ang Binibining Pilipinas, matatandaang sumali si Gumabao sa ABS-CBN reality show na "Pinoy Big Brother" bilang celebrity housemate.

Tanyag na personalidad rin ang kaniyang mga kapatid na sina Marco, isang aktor, at Kat, isang plus-size model.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.