Mga Pilipino, may tatlong 'F' kaya laging masayahin: sociologist

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas ang ranking ng Pilipinas sa World Happiness Report ng United Nations (UN), isang taunang listahan ng "pinakamasasayang" bansa sa buong mundo.

Bukod kasi sa likas na masayahin, hindi rin umano basta-basta nawawalan ng pag-asa ang mga Pilipino, paliwanag ng isang sociologist.

"And more than happiness, meron tayong three Fs: Faith, family, and friends.... Yamang panlipunan," ani Bro. Clifford Sorita, isang sociologist.

Isa sa mga patunay dito ang ice cream vendor na si Dodong Lagario, na kahit buong araw nakababad sa matinding sikat ng araw ay hindi pa rin nawawalan ng ngiti sa kaniyang mukha. 

"Maganda rin 'yung napapatawa ko 'yung mga customer ko... gumagaan din ang trabaho ko, parang hindi na ganun kahirap ang buhay," ani Lagario.

Obserbasyon ni Sorita, makikitang ang nasa top 10 ng World Happiness Report ay ang maituturing na "developed countries" o mga mayayamang bansa.

Ilan sa mga basehan ng isang masayang bansa:

• GDP per capita
• Social support
• Healthy life expectancy
• Freedom to make life choices

Kabilang kasi sa basehan ng isang masayang bansa ay ang maunlad na ekonomiya, pagiging malaya, at pangangalaga sa kalusugan ng tao.

Pero ayon sa sociologist, kahit hindi kasing-unlad ng ibang bansa ang Pilipinas, mayaman naman daw tayo sa pagmamahal at suporta ng ating pamilya, mga kaibigan, at buong komunidad.

Maski ang mga propesyonal na komedyante, nagsasabing mahilig talaga makisaya at tumawa ang mga Pinoy lalo na kapag marami ang kasama.

"Pinoy audience talaga ang the best. Tawa agad sila, tuwang-tuwa...[so] nakakatuwa rin," ani Donna Liza Cariaga, "Funny One" grand champion.

Kung ika-71 ang Pilipinas sa overall World Happiness Ranking, ikatlo naman ang bansa sa may pinakamatataas na level ng "positive affect" na sinukat batay sa pagtawa, pag-ngiti, at pag-respeto.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.