Doktor, nagbigay-opinyon sa nangyari kay Chokoleit

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 05:16 PM | Updated as of Mar 15 2019 05:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Maaaring buhay pa ang komedyanteng si Chokoleit ngayon kung hindi na niya itinuloy ang pagtatanghal noong Sabado sa Abra, ayon sa isang doktor. 

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinagot ng cardiologist na si Dr. Luigi Segundo ang diretsahang tanong ni K Brosas kung posible pa sanang maisalba ang kanyang kaibigan noong panahong iyon.

Pumanaw si Chokoleit noong Sabado dahil sa atake sa puso at pulmonary edema.

"If ever lang po na 'yung 27 minutes na 'yon imbes na nag-show siya ay dinala niya ang sarili sa ospital o nagpadala siya sa ospital, may possibility po ba na buhay pa po si Chokoleit ngayon?" tanong ni K sa doktor.

Sagot ng cardiologist: "Not really knowing kung ano talaga ang nangyari sa kanya because I didn't see him, [but the answer is] yes. Kasi nga, sabi ko may therapies na kapag na-start mo nang mas maaga, malaki ang chance na mag-survive. So kung papatagalin mo, by the time na pagdating mo sa ospital, baka it's too late."

"So kapag nararamdaman mo na baka it's a heart attack, stop what you are doing at diretso ka na sa ospital."

Ayon pa sa doktor, posible ring inaatake na si Chokoleit sa puso habang o bago pa man ang pagtatanghal nito.

Aniya, puwede ring mangyaring inaatake na sa puso ang isang tao kahit nakikitang kaya pa nitong gumalaw.

"Posible 'yon," paliwanag ni Dr. Luigi. "I heard pulmonary edema. I think statement 'yon from the hospital... So 'yung pulmonary edema, in the setting of heart attack, it happens late. Una muna kasi may heart attack na. When you say heart attack kasi, every minute may part of the heart muscle namamatay, so humihina 'yung pump ng heart muscle." 

"Some of the fluid nao-overload napupunta sa baga, that's pulmonary edema na. So kung 'yun ang sinabi ng doktor baka that's what happened, baka the heart attack happened even before the show."

Matatandaang tumagal pa ng halos kalahating oras ang pagpapasaya ni Chokoleit sa mga taga-Abra bago ito bawian ng buhay.

Giit naman ni K, walang dapat sisihin sa pangyayari dahil batid nilang si Chokoleit ang may kagustuhan nito.

"Kasi matigas ang ulo ni Chokoleit, siya 'yung nagpumilit. Alam namin na siya ang nagpumulit na umakyat. Walang dapat sisihin doon," ani K.

Batid din nilang hanggang sa huli ay sinubukan ni Chokoleit na tapusin ang pagtatanghal, pero hindi na nito kinaya.

"No, no, no. Hindi iyon tinapos. Lahat naman kami usually ang aming kontrata is 45 minutes. So I think talagang pinilit lang ni bakla. Knowing him, pinilit niya nang todo hanggang doon niya lang kaya 'yung 27 minutes. So believe me when I say na 'yung 27 minutes ay ano 'yon, pilit po 'yan," paliwanag ni K. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.