ALAMIN: Mga dapat tandaan bago sumailalim sa colonoscopy

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang colonoscopy sa mga pangunahing pagsusuri para malaman kung ang isang pasyente ay may colon cancer - isa sa pinakadelikadong cancer sa buong mundo. 

At para paghandaan ang nasabing pagsusuri, ibinahagi ng gastroenterologist na si June Ruiz sa programang "Good Vibes" ng DZMM ang mga dapat gawin bago sumailalim sa colonoscopy. 

Ayon kay Ruiz, maituturing na "matrabaho” ang pagsailalim sa colonoscopy - kung saan naglalagay ng tube na may camera sa puwit ng pasyente para ma-check ang colon at bituka. 

Kinakailangan kasing siguraduhing malinis aniya ang laman ng bituka at stable ang kalagayan ng pasyente bago ito suriin. 

“Ang hindi dapat magpapagawa kung hindi stable ang kondisyon ng pasyente. Let’s say medyo nahihirapan siya huminga… Papatulugin kasi natin ng anaesthetics ang pasyente,” ani Ruiz. 

Para paghandaan ang colonoscopy, dapat kumakain lamang ng liquid foods 1 araw bago ang procedure. 


Dapat ding iwasan ang mga pagkaing may pula o purple na kulay. 

"The day before nagpapa-clear liquids na ako, hindi [dapat] kumain ng solid foods. [Halimbawa rito ang] mga soup at juice pero ina-avoid po natin ang kulay pula, purple [na liquid foods] kasi magmumukha siyang dugo [pag sinuri sa colonoscopy]," paliwanag ni Ruiz. 

Paiinumin din ng pampapurga ang pasyente para makasigurong malinis ang bituka. 

"[Iinom ng] 4 na tabletas, susundan ito ng bowel preparation, ang iinumin mo 2 litres. Polyethelyne glycol. [Matrabaho] pero malaking chance na malinis 'yung bituka natin," ani Ruiz. 

Maaari namang magpa-admit o kaya maging outpatient ang sasailalim sa colonoscopy.

At sa araw ng operasyon, tuturukan ng anaesthesia ang pasyente. Kapag nakatulog na ito, ipapasok na ang aparato - isang tube na may camera - sa puwit ng pasyente. 

Dadaloy ang nasabing tube tungo sa colon at bituka ng pasyente; sisilipin sa camera kung may mga “polyps” - o maliliit na pamamaga rito. 

Magtatagal nang 15 minuto hanggang 1 oras ang colonoscopy, depende sa hitsura at hugis ng bituka. 

Maaari pang magtagal ang procedure kung dati nang inoperahan sa colon ang pasyente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.