Intermittent fasting, kailan nagiging delikado?

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 04:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga sikat na paraan ng pagbabawas ng timbang ang intermittent fasting, kung saan ang taong nagdidiyeta ay hindi kumakain sa loob ng mahabang panahon.

Pero ayon sa isang doktor, mainam para sa mga taong nagsasagawa ng ganitong uri ng fasting na kumuha ng espesyalistang mangangasiwa sa kanilang diyeta dahil hindi ito para sa lahat.

“Itong intermittent fasting should be supervised. It should be properly done at kailangan mayroon kang advise from your doctor,” ani Dr. Nemencio “Nemy” Nicodemus Jr sa programang "Good Vibes" sa DZMM .

Ayon kay Nicodemus, secretary ng Philippine Association for the Study of Overweight and Obesity, hindi maipapayo ang naturang diyeta sa mga taong may diyabetes at sakit sa puso.

Posible raw kasing bumaba ang blood sugar o glucose, na siyang pinagkukuhanan ng enerhiya ng katawan.

“Ang diabetic dahil may araw-araw na gamot na iniinom, kapag hindi ka kumain buong araw, bagsak ang sugar mo. Mawawalan ka ng malay. Bigla kang matutumba,” paliwanag ni Nicodemus.

Maaari naman daw mauwi sa atake sa puso ang pagbaba ng sugar level ng mga taong may sakit sa puso.

“Kasi 'yong may mga sakit sa puso, oras na bumagsak masyado ang sugar, naii-stress ang puso at prone sila magkaroon ng heart attack,” aniya.

HYPOGLYCEMIA

Nagbabala rin si Nicodemus ukol sa hypoglycemia, isang kondisyong bunga ng pagbaba ng blood sugar level.

Ilan sa mga nabanggit na sintomas ng hypoglycemia ay panginginig ng kamay at pagpapawis nang malamig.

Sa hypoglycemia, puwede ring makaranas ng unti-unting paglabo ng paningin.

“To the point na parang akala mo nag-uulap, hanggang sa to the point na 'yong pag-iisip mo parang unti-unti na ring bumabagal,” ani Nicodemus.

Ayon kay Nicodemus, hindi na dapat magdalawang-isip na kumain kapag naramdaman ang mga sintomas ng hypoglycemia.

“If you don't eat after that, ang susunod doon mahihimatay ka na. Babagsak ka na,” ani Nicodemus.

Isa sa mga sikat na paraan ng intermittent fasting ay 16/8 intermittent fasting kung saan hindi kakain sa loob ng 16 oras sa isang araw. Sa natitirang 8 oras lamang maaaring kumain pero kontrolado rin dapat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.