ALAMIN: Mga sintomas ng tuberculosis sa bata

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2020 03:10 PM | Updated as of Mar 12 2020 03:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbabala ang isang doktor kaugnay sa pagkakaroon ng mga bata ng sakit na tuberculosis lalo at mas madali raw silang mahawahan nito.

Ang tuberculosis ay isang sakit na kadalasang tumatama sa baga bunsod ng bakteryang mycobacterium tuberculosis (TB), paliwanag ng pediatric pulmonologist na si George Maravillosa.

Maaari rin umanong tumama ang tuberculosis sa ibang bahagi ng katawan, na tinatawag na extrapulmonary tuberculosis, pero magiging iba na ang mga sintomas nito.

“The more na bata, less than 4 years old, ito ‘yong mga vulnerable group,” ani Maravillosa sa programang “Good Vibes” ng DZMM.

“Kahit wala silang underlying na sakit, mabilis silang dapuan,” dagdag ng doktor.

Umaabot umano nang 3 hanggang 12 linggo bago tuluyang magkasakit o lumabas ang sintomas ng tuberculosis sa bata mula sa panahong siya’y na-expose o nalantad sa bakterya.

Nilinaw naman ni Maravillosa na hindi porke minsang nalantad ang isang bata sa taong may tuberculosis ay agad na itong mahahawahan ng sakit.

Mahahawa lamang ang bata kung lagi niyang kasama ang ibang taong may tuberculosis o kung minsan niya lang itong nakasalamuha pero aktibo ang sakit nito. 

“Unless kahit isang beses lang kayo nagkita ay naubuhan at malapit kayo, at active TB, at mataas ang load ng TB bacilli doon sa load na ‘yon, puwede [mahawa],” ani Maravillosa. 

Ilan umano sa mga sintomas ng tuberculosis sa bata ay ang pagkakaroon ng ubo sa loob ng matagal na panahon, lagnat, pangangayayat, at panghihina.

“Usually ang cut-off natin ay 2 weeks na pag-ubo, kasama rin ang lagnat na hinahanapan mo ng dahilan pero wala kang makita,” ani Maravillosa.

“Sa bata, alam nating katangian nila ay maliksi dapat sila pero kapag matamlay sila o nanghihina, walang gana sa pagkain, isa rin ‘yon sa mga palatandaan,” dagdag niya.

Ayon kay Maravillosa, kadalasan ay nakukuha ng bata ang tuberculosis sa mas nakatatanda kaya kapag may mga pasyente raw siya ay nagsasagawa rin ng contact tracing o hinahanap iyong mga taong posibleng nakahawa.

“Maghahanap ka ng source kasi walang duda, ang source ng TB sa bata ay adult and usually nagsa-start ‘yan among the household member kasi sila ‘yong pinaka-close contact mo,” ani Maravillosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.