'ASAP TLC': Soul searching sa La Union, nauwi sa pag-iibigan

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 03:23 PM | Updated as of Nov 14 2018 03:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa gitna ng paghahanap ni Mikee Ramos sa kaniyang sarili sa lalawigan ng La Union, hindi niya inakalang tatangayin siya ng mga alon sa landas ng pag-ibig.

Tampok ang kuwento ni Ramos at ng nobyong si Moro Gandawali sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo.

Patong-patong noon ang mga pinagdadanan ni Ramos na nagtulak sa kaniya para takasan ang maingay at magulong pamumuhay sa Maynila patungo sa tanyag na surfing destination sa norte.

"For me, Manila is really toxic," ani Ramos. "Akala mo kaibigan mo, hihilahin ka pababa... masyado akong na-depress and my dad passed away three years ago."

"Umalis lang ako. 'Di ako humingi ng pera," kuwento ng babae.

Taga-La Union naman si Gandawali na pumayag makituloy si Ramos sa kaniyang tirahan habang namamalagi ang babae roon.

Lingid sa kaalaman ni Ramos ay noong una pa lang ay nabighani na sa kaniya si Gandawali.

Hindi nagtagal ay nahulog ang loob nila sa isa't isa, lalo at naging malapit na rin sila dahil sa pagkahilig sa surfing.

Patuloy ang panunuyo ni Gandawali kay Ramos kahit bumalik na ito ng Maynila. Kalaunan ay sinagot ng babae ang manliligaw.

Pero gaya ng ibang relasyon, hindi maiwasan na humarap sa pagsubok ang dalawa.

"Sa lahat ng ayoko iyong pinapagalitan ako... so medyo nag-away kami, nagkasagutan, pati mga kaibigan namin nasagot ko," kuwento ni Ramos hinggil sa isang pagtatalo nilang nauwi sa hiwalayan.

Kung ang mga alon ang naglapit sa kanila, ito rin ang nagbalik sa kanila sa piling ng isa't isa.

Muling binigyan ni Ramos ng pagkakataon si Gandawali matapos siya nitong iligtas nang muntik na umano siyang "kainin ng alon" sa gitna ng pagsali sa isang surfing competition.

"Sumunod agad ako kasi kinabahan ako noon, baka kung ano mangyari sa kaniya," ani Gandawali. 

Para kay Gandawali, sulit ang pangalawang pagkakataong nakamit niya lalo at natuto na sila sa unang pagkakamali.

Sa ngayon, nananatili ang dalawa sa La Union at pinatatakbo ang negosyong Blue Surfer's Lounge sa may bayan ng San Juan.

Handog nina Daryl Ong at Angeline Quinto ang awiting "I Need You" ni LeAnn Rimes para sa magkasintahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.