Paano masasabing responsable ang isang pet owner?

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 01:17 PM | Updated as of Mar 10 2020 01:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapag may hinaharap na suliranin sa buhay ang isang tao, tiyak na may ibang handang dumamay sa kaniyang pinagdadaanan. Pero hindi lang tao ang handang magpagaan sa mga pang-araw-araw na suliranin kundi pati mga alagang hayop.

Pero paano nga ba masasabing nasusuklian nang mabuti ang kabaitang dala ng mga alagang hayop at paano matuturing na responsable ang isang pet owner?

Ang pagiging responsableng pet owner ay nakabase sa 5 kalayaang ibinibigay ng tao sa kaniyang alagang hayop, ayon kay Gem Faisan ng Cara Welfare Philippines, isang non-profit organization na nagtataguyod ng animal welfare o tamang pag-aalaga sa mga hayop.

Dapat tinitiyak ng pet owner na hindi nagugutom o nauuhaw ang kaniyang alaga o iyong “freedom from hunger and thirst,” ani Faisan.

“Freedom from discomfort” naman ang tawag kapag sinisiguro ng pet owner na nasa maayos na lagay ang alaga sa gitna ng mga situwasyong gaya ng mainit na panahon o tag-ulan.

“Baka naman ang iyong alaga ay nakatali [o] nakakulong sa [ilalim ng] init ng araw o ulan,” ani Faisan.

Sunod na kalayaan, ayon kay Faisan, ay ang “freedom from stress or fear” kung saan hindi daw dapat laging pinapalo o tinatakot ang alaga.

“Baka naman lagi mong pinapalo, tinatakot, pinapaputukan ang iyong pet, stressful ‘yon sa kanila,” aniya.

Dapat din umanong tiyakin na mabuti ang lagay ng kalusugan at pangangatawan ng hayop o “freedom from injuries.”

“Hindi lang pinapa-vet mo sila kung may sakit pero mas importante, iniiwasan mong magkasakit sila sa pamamagitan ng pagbabakuna,” paliwanag ni Faisan.

Pinakahuli umano ay iyong “freedom to express natural behavior,” na nangangahulugang may kalayaang kumilos ang hayop at hindi laging nakakulong.

“Any time na pina-follow mo itong 5 freedoms of animal welfare ay nagiging responsable kang individual at responsible pet owner ka,” ani Faisan.

Marami umanong benepisyo sa kalusugan at well-being ng tao ang pag-alaga ng hayop dahil nakababawas daw ito sa stress at nakadadagdag sa relaxation o pakiramdam ng kaginhawahan, ayon kay Faisan.

Bahagi ng mga aktibidad ng Cara, o iyong grupo ni Faisan, ang pag-ikot sa mga barangay at eskuwelahan para palaganapin ang pagiging responsableng pet ownership.

Mayroon din umanong programa ang Cara para sa pag-ampon ng pusa. Sa katunayan ay nagsisilbing ambassador ng grupo ang aktres na si Kathryn Bernardo.

Ayon kay Faisan, nakabubuti rin sa pakiramdam ng tao ang pag-ampon ng hayop.

“If you adopt a rescue pet, mata-transform nito ‘yong buong household because you are saving a life... may personal satisfaction na naibibigay sa iyo ito,” paliwanag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.