ALAMIN: Paano maiiwasan ang cervical cancer?

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2017 12:50 AM | Updated as of Mar 09 2017 02:38 AM

Cervical cancer cells. Reuters/NCI/handout

Isa ang cervical cancer sa mga madalas na nagiging sakit ng kababaihan, ngunit hindi tulad ng ibang uri ng kanser, madali itong maiwasan.

Ayon kay Dr. Joy Garcia, isang gynecologist at oncologist, maaring magkaroon ng cervical cancer ang mga babaeng nasa may edad na 15 hanggang 44 na taong gulang.

Dagdag ni Garcia, nakukuha ang cervical cancer dahil sa pakikipagtalik.

"Ang pinakarason kung bakit nagkakacervical cancer ay dahil sa HPV (human papillomavirus). Nakukuha siya dahil sa pakikipagtalik," aniya.

Maaring maiwasan ang pagkakaroon ng cervical cancer sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa HPV.

"As early as 9 years old, before sexual exposure, binibigay na 'yung vaccine na 'yun para mataas na 'yung protection ng babaeng 'yun," ani Garcia.

Maari rin umanong magpabakuna kahit nagkaroon na ng sexual exposure ang isang babae.

"Women na nagkaroon na ng sexual exposure, maganda pa rin ang level of protection kung ngayon pa lang siya magpapa-vaccinate," ani Garcia.

"Kahit anong age. Meron kasing three brands in the market, pero ang pinakacommon, walang age limit," dagdag niya.

Madali umanong maagapan ang cervical cancer, lalo na kung maaga itong makikita ng mga doktor.

Isa sa mga paraan upang maagang makita ang cervical cancer ay ang taunang pagpapa-pap smear.

Ayon kay Garcia, ang mga babaeng nagkaroon na ng sexual exposure ay kinakailangang magpa-pap smear tatlong taon matapos ang unang pakikipagtalik.

"Kung nagkaroon na ng sexual contact 'yung babae na 'yun, 3 years after that, dapat nagsa-start na siyang magpa-pap smear every year until she is 65 to 70 years," aniya.

Dagdag pa ni Garcia, may mga pagkakataon na kaya ng katawan ng isang babae na paalisin ang virus sa katawan.

"Yung immune system niya, kakalabanin 'yung virus, ita-try na paalisin sa katawan niya. 'Pag hindi successful, in 10 to 15 years, pwedeng magka-cervical cancer 'yung babaeng 'yun."

Ang mga babaeng mahahanapan ng pre-cervical cancer cells ay maaring sumailalim sa minor surgery o cryotherapy para maalis ang mga ito.

Maari pa ring magbuntis ang mga babaeng sasailalim sa surgery dahil kusa umanong naghihilom ang cervix ayon kay Garcia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.