Abogada, 'tatay' na taho vendor tampok sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 03:51 PM | Updated as of Mar 03 2019 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi kailangang maging kadugo ang isang tao para maituring itong kapamilya.

Ito ang napatunayan ng abogadang si Alex Castro na mistulang ama ang turing kay Romeo "Tatay Dong" Corpuz, isang taho vendor sa unibersidad na dati niyang pinapasukan.

Nag-viral kamakailan sa social media ang kuwento ng dalawa nang mag-post si Castro ng retrato nila ni Corpuz kasama ang kuwento ng kanilang samahan.

Ang retrato ay kuha nang magkita muli ang dalawa sa University of the Philippines (UP) Diliman makalipas ang dalawang taong hindi pagkikita.

"Noong pinost ko 'yon sa Facebook, ang pakay ko lang po talaga noon ay i-express 'yong gratitude ko," sabi ni Castro nang mag-guest sila ni Corpuz sa programang "ASAP."

"Kasi sa lahat po ng taon ko sa UP, sinuportahan niya ako, minahal niya ako nang walang hinihinging kapalit. So noong nakita ko po na marami pong naka-relate din sa pagmamahal ng isang tatay sa anak kahit 'di magkadugo ay natuwa na rin po ako," dagdag ni Castro.

Kuwento ni Castro, nakilala niya ang magtataho noong unang taon niya sa pag-aaral sa UP.

May klase si Castro sa gusali malapit sa pinagbebentahan ni Corpuz at dahil hindi na siya nakakakapag-agahan, nakagawian na ni Corpuz na abangan siya tuwing umaga para mabigyan ng taho, ani Castro.

Ibinahagi rin ni Castro kung paano siya binigyan ni "Tatay Dong" ng jacket nang makita siya nitong walang jacket sa gitna ng maulan na araw.

"Nag-make sense sa akin na ganito pala 'yong pakiramdam ng isang ama," ani Castro, na hiwalay umano ang mga magulang.

Dahil sa kanilang nakaka-inspire na kuwento, hinandugan ng awit ng ilang "ASAP" Kapamilya sina Corpuz at Castro.

Kinanta nina Martin Nievera, Erik Santos, Ogie Alcasid, Kuh Ledesma, Sarah Geronimo at ng Payatas Kids Choir ang "Ang Lahat nito'y Para Sa Iyo" at "Paano Kita Mapasasalamatan" para sa dalawa.

Dahil mahalaga rin para sa dalawa ang jacket, niregaluhan din sila ng "ASAP" ng mga jacket.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.