Proud Kapamilya sa Cebu namigay ng car stickers hango sa ABS-CBN logo

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 06:13 PM | Updated as of Feb 28 2020 08:13 PM

Ilang loyal Kapamilya sa lungsod na ito ang kusang-loob na gumawa ng paraan para ipakita ang kanilang suporta sa ABS-CBN, na ngayon ay may kinahaharap na dagok ukol sa prangkisa nito. Retrato mula kay Clifford Niñal

CEBU CITY — Ilang loyal Kapamilya sa lungsod na ito ang kusang-loob na gumawa ng paraan para ipakita ang kanilang suporta sa ABS-CBN, na ngayon ay may kinahaharap na dagok ukol sa prangkisa nito. 

Isang printing company sa Cebu ang nakaisip na mag-imprenta ng mga sticker na may desenyong mahahalintulad sa ABS-CBN logo. 

Nagkusa sa pagdidikit ng mga ABS-CBN sticker si San Nicolas Proper barangay chairman Clifford Niñal at iba pang solid Kapamilya sa kanilang lugar.

Ayon kay Niñal, isa-isa silang humingi ng permiso sa mga driver para maglagay ng mga sticker sa kanilang mga tricycle. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang alinlangan na pumayag ang mga tsuper dahil malaking bahagi na rin ng kanilang buhay ang Kapamilya network. 

Ayon sa chairman, ito ang tamang panahon para ipakita ang suporta sa ABS-CBN na matagal na niyang hinahangaan sa naihahatid nitong serbisyo sa bansa. 

Dati nang nag-volunteer si Niñal sa ilang proyekto ng ABS-CBN at Bantay Bata 163.
 
Nasaksihan daw niya kung paano tumutulong ang ABS-CBN sa mga taong naapektuhan ng sakuna, kaya gusto niyang ipakita sa publiko na isa siyang proud Kapamilya.

Umaasa siya na pakikinggan din ng Kongreso ang boses ng mga tulad nilang nais na ipagpatuloy ang pagtutulungang tatak Kapamilya.

—Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.