Pinoy app na wagi sa NASA contest, paano makatutulong sa mangingisda?

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi biro ang sinusuong ng mahigit 1 milyong mangingisdang Pilipino kapag pumapalaot sa lawa o dagat, kadalasan pa tuwing gabi. 

Kahit marami pa sa kanila ang matagal na itong ginagawa, hindi pa rin nila laging natitiyak na maayos ang kondisyon ng dagat o kaya lagay ng panahon.

Kaya kapag naabutan ng unos sa laot, napipilitan mag-iwan ng lambat sa dagat ang ilan gaya ni Armando Sauquillo, isang mangingisda sa Barangay Talaba II, Bacoor City, Cavite. 

"Hindi ho kakayaning iuwi kasi lubog kami at ang laki ng alon, kaya ang nangyayari nawawala. 'Pag hindi namin makuha, malaking gastos 'yun," sabi niya. 

Aminado siyang malaking tulong na alam na nila ang lagay ng alon, ulap, hangin, bago sila umalis. Hindi rin nila ito laging nakikita sa TV o radyo, at wala rin silang agarang access sa Internet. 

"Kung Linggo o Sabado wala kaming matanggap na impormasyon na 'wag kayo lumaot kasi delikado," sabi niya. 

Ganitong problema ang nais bigyang-tugon ng "ISDApp," isang app na nabuo at nanalo sa hackathon sa Maynila noong 2018 na bahagi ng NASA Space Apps Challenge kung saan mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ang kalahok. 

Binuo ito ng "Team iNON" (acronym para sa "It's Now or Never") na kinabibilangan nina Revbrain Martin, Jeddah Legaspi, JC Torreda, Migs De Guzman, at Matthew Concubierta. 

Gagamitin ng ISDApp ang data mula sa NASA gaya ng pagsikat at paglubog ng araw, mga tide, temperatura ng dagat, at iba pa. 

Naka-install ang app sa smartphone ng lokal na opisyal, na magpapadala naman ng impormasyon sa mga mangingisda sa pamamagitan ng text at nakasulat sa lokal nilang wika. 

Maaari rin gamitin ang app para magbigay-alam kung may paparating na unos o manawagan kung mangangailangan ng tulong ang isang mangingisda. 

"Kailangan 'yung mga impormasyon na 'yun na nasa internet lang, eh walang access ang mga mangingisda natin kasi wala silang smartphones," paliwanag ni Torreda. 

Napansin ng NASA ang ISDApp mula sa halos 1,400 entry at ipinanalo sa kategoryang "Galactic impact" o 'yung may pinakamalaking kakayahan para mapabuti ang buhay sa mundo. 

Hindi inasahan ng grupo na mananalo dahil unang beses lang nilang sumali sa hackathon. 

"Dahil doon sa puso ng app na i-connect ang mga less-privileged nating kababayan sa technology at sa information na kailangan nila, ayun ang nagpanalo sa ISDApp," sabi naman ni Martin. 

Kinilala ang grupo ng U.S. Embassy at niyayaya ngayon na bigyang inspirasyon ang mga iba pang kabataang developer. 

Hamon naman sa grupo ang makabingwit ng mga taga-gobyerno at pribadong sektor na popondo at tutulong mailabas ang ISDApp. 

Mensahe ni Legaspi sa mga kabataan: "Kung ang lahat ng ginagawa natin ipu-put natin to good use at isipin nating mas makikinabang ang maraming tao, sa palagay ko mas magiging mabuti ang magiging epekto niya." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.