'Sintomas ng sakit maaaring magkaiba sa mga matanda, bata'

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 04:58 PM | Updated as of Feb 25 2020 05:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang mga pagbabago sa pangangatawan bunsod ng pagtanda ay nakakaapekto rin sa kung paano nakararanas ang isang tao ng mga sintomas ng mga sakit, ayon sa isang doktora.

Dahil dito, maaaring magkaroon ng parehong sakit ang isang bata at matanda pero magkaiba ang mga ipinapakita nilang mga sintomas, ayon sa geriatrician na si Cheridine Oro Josef. 

“Ang mga sintomas o disease na nakikita natin sa isang matanda ay hindi katulad ng mga sakit noong tayo’y bata,” ani Josef sa programang “Good Vibes” ng DZMM.

Ito ang isa umano sa mga pangunahing dahilan kung bakit sa mga geriatrician dapat ipatingin ang matatanda na nakararanas ng mga palatandaan ng mga sakit.

Halimbawa ni Josef ay ang matatandang may pulmonya o iba pang respiratory illness ay maaaring hindi lagnatin o ubuhin, na karaniwang mga sintomas ng mga ganoong klase ng sakit.

“Minsan sa isang matanda, lalo mga 80 [years old] and above, ‘di talaga sila nilalagnat, ‘di sila inuubo,” aniya.

“Pero nanghihina sila, nag-iiba ang kanilang attitude. Then when you do workup, ang taas na ng infection or may pneumonia na sila,” dagdag niya.

May sarili rin umanong pagsusuring ginagawa ang mga geriatrician sa mga matandang pasyente para matukoy kung saang espesyalista dapat ipatingin ang mga ito.

“May ginagawa kaming comprehensive geriatric assessment,” anang doktora.

Kunyari ay kapag nagrereklamo ang matandang pasyente na masakit ang ulo niya, hindi raw nangangahulugang high blood na siya. Puwede raw matukoy ng geriatrician kung ang sakit sa ulo ay sadyang migraine o bunsod ng mga iniinom na gamot.

“Minsan iba-iba ang kanilang sintomas — masakit ulo, masakit dibdib — pero ‘pag tinanong mo, hindi nila ma-explain sa‘yo nararamdaman nila," ani Josef.

Matapos masuri ang pasyente ay puwede na siyang ipatingin sa ibang doktor na mas maalam sa natuklasang sakit o kondisyon, ayon kay Josef. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.