'ASAP TLC': Pumanaw na kasintahan, inalala sa isang diary

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 03:46 PM | Updated as of Feb 25 2018 03:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo ang kuwento ng isang lolang iningatan ang mga alaala ng kaniyang pumanaw na kasintahan sa isang diary o talaarawan.

Taong 1960 sa Bataan nang makilala ni Fely Delamida ang kaniya umanong unang pag-ibig na habambuhay ay tatatak sa kaniyang alaala.

"Noong panahon na iyon, 18 years [old] ako samantalang siya ay 30 years old na. Ang akala ko noon hanggang sa Bataan lang magwawakas ang aking pakikipagkaibigan sa kanya," kuwento ni Delamida.

Nang bumalik si Delamida sa Maynila ay sinundan siya ng lalaking sundalo at nagsimula na ang pagpapalitan nila ng mga matatamis na liham.

"Masugid siyang sumusulat sa akin. Nahulog na rin loob sa kaniya," ani Delamida.

Pormal na sinagot ni Delamida bilang nobyo ang lalaki noong Pebrero 14, 1962. Dahil may pag-aatubili umano mula sa kaniyang ama, itinago muna ng dalawa ang kanilang relasyon.

Laking tuwa ni Delamida nang hindi umano tumutol ang kaniyang ama nang magtapat sila makalipas ang apat na taon.

Itinakda sanang ikasal ang dalawa noong Enero 1966 subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay binawian ng buhay ang lalaki.

"Malapit nang dumating iyong buwan na iyon, may [dumating na] telegrama, nagkasakit [iyong lalaki]," ani Delamida.

Sa papel na itinago ni Delamida sa talaarawan ay nakasaad na isinugod umano sa army hospital sa Camp Aquino sa Tarlac ang lalaki.

Kalaunan ay namatay ang lalaki.

"Sa itinakdang araw ng aming kasal, siya ay hinatid namin sa kaniyang huling hantungan. Sa halip na military wedding ay military funeral ang ginanap," kuwento ni Delamida.

Isang dekada rin ang lumipas bago muling umibig si Delamida at mag-40 anyos na umano siya nang ikasal.

Hindi na umano sila nagkaanak ng kaniyang napangasawa kaya inalagaan na lang nila ang pamangkin ni Delamida at nagkaroon sila ng apo.

Si Erika Balagtas, apo ni Delamida, ang nakahanap ng talaarawan na sumubaybay sa pag-iibigan nina Delamida at ng kasintahan niyang pumanaw.

Ayon kay Delamida, 1962 nang umpisahan niya ang talaarawan.

"Napulot kong aral doon sa kuwento nila ay kung paano nila pinahahalagahan 'yong pag-ibig dati," sabi ni Balagtas.

"Bagama't ang aking unang pag-ibig ay pumanaw na, ang kaniyang alaala ay mananatiling sariwa sa aking gunita," ani Delamida.

Handog nina Erik Santos, Daryl Ong, Angeline Quinto, at Kyla ang awiting "Saan Ka Man Naroroon" ni Carol Banawa para kay Delamida.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.