App na kayang mag-book ng tricycle patok sa La Union

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 06:32 PM

Ang "PARA" ay isang tricycle hailing app na inilunsad noong Oktubre 2018 sa San Fernando City. Retrato ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Patok ngayon sa San Fernando City, La Union ang paggamit ng isang mobile application bilang pampara o pang-book ng mga pampasaherong tricycle. 

Isa sa nakikinabang nito ang estudyante na si Ryka Generosa, na kadalasang ginagabi mula sa paaralan.

"'Pag gabi siyempre delikado rin sa daan so habang nasa lugar pa lang, nagbu-book na ako para maya't maya mayroon ng tricycle," ani Generosa.

Ang mobile app na tinutukoy ni Generosa ay ang "PARA" na isang tricycle-hailing app na inilunsad noong Oktubre 2018 sa San Fernando City. 

"First of all, 'yung mga may kotse hindi na nila ilalabas 'yung sasakyan nila kasi traffic at parking tapos mas convenient talaga na mag-tricyle at the tap of your phone," pagmamalaki ni Jovan Ortega, co-founder ng PARA. 

Nasa 184 na ang nakarehistro sa kanilang mga driver na gumagamit ng app habang umabot na sa 8,000 ang kanilang naserbisyuhang mga pasahero. 

Laking tulong din daw ang app para sa mga driver na gumagamit nito.

"Dagdag kita talaga kasi," ani Ivan Flores, isang tsuper. 

"Pag gabi hindi na namin kailangang maghanap ng pasahero," ayon naman kay John Luis Quinionas, isa pang tsuper. 

Sa ngayon, nagsasagawa ang PARA ng seminar at training para sa mga driver na gusto ring makagamit ng app.

Marami pa raw kasi ang hanggang ngayon ay hindi bihasa sa paggamit ng teleponong tumatakbo sa operating system na Android, kung saan pa lang maaaring magamit ang PARA sa ngayon. 

Plano raw nina Ortega na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan nang sa ganoon ay mas marami pang tricycle drivers ang makabenepisyo gamit ang kanilang app.

Tanging sa mga kalsadang pinapayagan lang ng San Fernando City puwede pumasadang ruta ang mga PARA driver at bawal sa national highway.

—Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.