Nakakain ka na ba ng kuneho? Pinakamasustansiyang white meat ito, ayon sa DA

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 08:01 PM

MAWAB, Davao de Oro - Kilala ang kuneho bilang pet o alaga. 

Pero ayon sa Department of Agriculture (DA), maaari din kainin ang karne nito bilang alternatibo sa karneng baboy sa gitna ng pagkalat ng African swine fever sa bansa.

Sa Barangay Saosao sa bayan na ito, ang Pandoro Rabbitry ay nagpapalaki ng mga kuneho mula pa noong 2017. Ngayon, aabot na sa higit 3,000 kuneho ang inaalagaan nila.

Ang naturang bukirin ay nagsu-supply ngayon ng rabbit meat sa Leyte at Cebu.

Na-engganyo umano ang pamilya Pandoro na mag-alaga ng kuneho dahil low maintenance at madaling buhayin ang mga ito.

"Ako, kung sa akin lang, 'yoko talaga kasi walang market dito eh. Sa nakikita natin sa paligid hindi kasi ano ang rabbit, alam ng tao is for pet. Natutuwa kami kasi ine-endorse [na] talaga nila (DA) ang rabbit as alternative sa pork," ani Richel Pandoro, may-ari ng farm.

Ayon sa kaniya, matapos ang 45 days lang ay puwede ihiwalay sa kaniyang ina ang isang rabbit at ibenta bilang pet. Tatlo hanggang limang buwang gulang na rabbit naman ang puwede nang i-karne.

Puwedeng lutuin ang karne ng rabbit bilang litsong kuneho, kaldereta, afritada at adobo.

Puwedeng lutuin ang karne ng rabbit bilang litsong kuneho, kaldereta, afritada at adobo. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Puwedeng lutuin ang karne ng rabbit bilang litsong kuneho, kaldereta, afritada at adobo. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Puwedeng lutuin ang karne ng rabbit bilang litsong kuneho, kaldereta, afritada at adobo. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Ayon kay Jun Odong, isang nagluluto ng litsong rabbit, madali lang timplahan ang mga ito kagaya ng manok at baboy.

"Mahigit isang oras lang ito lutuin," aniya.

Ayon sa DA, pinakamasustansiya sa lahat ng white meat ang rabbit dahil mataas ito sa protina at mababa ang fat percentage at cholesterol nito.

Pinakamababa rin ito sa calories, ayon sa spokesperson ng DA-Davao Region na si Noel Provido.

"Ang rabbit [mura] kasi ang production cost nito, at okay ang nutritive value," ani Provido.

Dahil kakaunti lang ang supply ng rabbit, aabot sa P450 pesos ang kada kilo ng karne nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.